ni Lolet Abania | July 3, 2022
Nagbukas na ng satellite offices ang Office of the Vice President (OVP) sa anim na siyudad sa bansa na layong makapagbigay ng serbisyo na magiging accessible sa mas maraming Pilipino, ayon kay Vice President Sara Duterte nitong Sabado.
Sa isang Facebook post, sinabi ni VP Sara na inilagay ang mga OVP satellite offices sa mga lungsod ng Dagupan (Region 1), Cebu (Region VII), Tacloban (Region VIII), Zamboanga (Region IX), Davao (Region XI), at Tandag sa Surigao del Sur (Region XIII).
“Nagbukas po tayo ng mga satellite office sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matulungan ang ating mga kababayan na magkaroon ng madali at agarang access sa mga serbisyong mula sa Office of the Vice President,” caption ni VP Sara sa kanyang post.
Una nang inanunsiyo ni VP Sara na magbubukas siya ng mga OVP satellite offices bago pa ang kanyang oathtaking bilang vice president noong nakaraang buwan.
Bukod sa pagiging bise presidente, si VP Sara ay itinalaga ring Department of Education (DepEd) secretary ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa Lunes, Hulyo 4, gaganapin ang isang joint farewell at welcome ceremony ng DepEd. Papalitan ni VP Sara si dating DepEd Secretary Leonor Briones.
Sinabi naman ni VP Sara na pag-aaralan niya ang posibilidad ng full resumption ng face-to-face classes bagaman ang bansa ay nananatili sa ilalim ng state of public health emergency dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon pa kay VP Sara, inatasan na siya ni Pangulong Marcos na i-review ang K to 12 program ng bansa.
Комментарии