ni Gerard Peter - @Sports | June 12, 2021
Hindi padadaig at hindi patitinag ang koponan ng national Muay sa darating na 31st Southeast Asian Games na umaasang maagaw ang overall na kampeonato laban sa powerhouse Thailand at host country Vietnam.
Ibabandera ng pamunuan ng Muay Association of the Philippines (MAP) ang mga dekalibreng fighters sa pangunguna nina 2019 SEAG gold medalist Philip “Destroyer” Delarmino (57kgs), na nakatakdang sumabak sa Muay Thai Night sa Dubai, United Arab Emirates sa Hunyo 25 at Ariel Lampacan (54kgs), habang pursigidong puntiryahin nina professional mixed martial art fighters Jenelyn Olsim at Ryan Jakiri ang gintong medalya sa Vietnam meet na magsisimula sa Nobyembre 21-Disyembre 2, matapos masungkit ang runner-up finish sa 30th edition sa Subic Bay Exhibition and Convention Center sa Subic Freeport sa Zambales.
Tiwala si national head coach at dating national boxer Billy Alumno na malalampasan ng national team ang nakamit na 3 gold, 4 silver at 2 bronze medals sa 2019 biennial meet, kung saan lahat ng kanilang mga manlalaro ay nagkamit ng medalya.
“Gusto namin ma-surpass yung nakuha naming medals last SEAG. Pipilitin namin na makuha yung gold medals kahit na maraming mga bagong atleta natin,” pahayag ni Alumno, Huwebes ng umaga sa lingguhang TOPS Usapang Sports on Air webcast. “Expect natin na magmedal yung mga nakakuha ng gold last time, pati yung 81kgs dahil hindi naman masyadong malalaki ang kalaban natin, then promising rin si Jen, na nagsabing willing na willing siya na sinabi niyang gagamitin niya iyong pro niya para magamit niyang stepping stone para mas ma-improve pa yung galaw niya. Then motivated na gustong manalo at maimprove niyang manalo si Ryan, then sa mga bago naman mga babae naming which is nakikita ko sa training na napakasipag nila at willing na magproduce ang mga ito at hopefully magprovide ng medals sa competition,” dagdag ni Alumno.
Bukod kina Delarmino, Lampacan, Olsim at Jakiri, puspusan din umano sa paghahanda at pagsasanay sina dating East Asian Youth silver medalist Rudsma Abubakar ng Zamboanga sa women’s 48kgs, Asian Indoor Martial Arts Games veteran Carissa Tarapen sa 51kgs at iba pa.
Comments