ni Lolet Abania | November 8, 2021
Tinamaan ng African swine fever (ASF) habang nagkaroon ng outbreak sa pitong lugar sa M’lang, Cotabato nito lamang weekend, ayon sa isang opisyal ng lokal na pamahalaan ng nabanggit na bayan.
Sinabi ni M’lang Vice Mayor Joselito Piñol, nasa tinatayang isang dosena ng mga baboy ang pinatay dahil sa ASF.
Aniya, unang nai-report ang ASF sa New Antique at New Lawaan habang kumalat na ito sa limang kalapit na lugar.
Sa ngayon, mahigpit na binabantayan ang mga apektadong villages, kung saan ang mga borders nito ay pansamantalang isinara para mapigilan ang pagpasok at paglabas ng mga buhay na baboy at maiwasan ang pagdami pa ng tatamaan ng ASF na ibang lugar.
“In Barangay New Antique alone, at least 8 pigs died last week and there are also reported deaths in nearby Baranggay New Lawaan,” ani Piñol sa isang radio interview.
Iniutos na ng bise alkalde ang pagkakatay muna ng lahat ng mga baboy na para sa commercial use o ibinibenta upang hindi na kumalat pa ang ASF.
Ayon kay Piñol, nasa 20 baboy ang nakaiskedyul na katayin sa double A slaughterhouse ng naturang bayan.
Hinala ng vice mayor, ang virus ay nanggaling sa processed meat na chorizo na binili mula sa isang ambulant vendor ng apektadong hog raisers sa Barangay New Antique.
“We conducted investigation and we found out that those raising hogs in these areas are using feeds in growing their hogs. However, a hog raiser that was severely affected with the ASF confessed that a leftover processed meat was fed to some of the pigs,” sabi ni Piñol.
Sinabi pa ni Piñol na imumungkahi na rin niya sa municipal council sa regular session nito sa Miyerkules na ang M’lang ay isailalim sa state of calamity. Sa ganitong paraan, mapapayagan ang nasabing bayan na gamitin ang 5% Quick Response Funds na nagkakahalaga ng humigit-kumulang na P20 milyon upang agad makatulong sa mga apektadong hog raisers.
Dagdag ng opisyal, nakatakda niyang isangguni ito sa Department of Agriculture Regional Office 12 at sa Cotabato provincial government para sa posibleng financial aid sa mga apektadong hog raisers.
Comments