ni Jasmin Joy Evangelista | September 23, 2021
Nasa 38 virus patients ang naka-admit sa Ospital ng Imus, habang okupado ang 80 porsyento ng intensive care unit nito, ayon kay chief of clinics Dr. Jennifer Roamar.
Kung hindi na raw madadagdagan ang COVID-19 patients ng ospital ay bubuksan na nito ang outpatient services at scheduled operations nito sa Lunes.
"Napansin po namin wala na pong pasyente sa parking lot unlike before. Ang emergency room atsaka ang aming ward puno pa rin lagi," pahayag ni Roamar.
"Sa Monday po ibabalik na ang outpatient service at scheduled operation, wag na lang po sana madagdagan ang positive [cases]."
Nakabalik na rin ang 75% ng 34 health workers na nagpositibo sa COVID-19, dagdag niya.
May 6 na bagong kaso ng Covid sa medical staff at 4 dito ay naka-quarantine at pending ang resulta ng test, ayon kay Roamar.
Samantala, sapat daw ang gamot ng ospital kontra COVID-19 tulad ng remdesivir dahil may consignment agreement ang ospital sa isang pharmaceutical company.
Sapat din daw ang oxygen supply, ngunit nagkukulang naman sa mga makina tulad ng high-flow machine, BiPAP, at mechanical ventilator dahil ito ay isang level 1 hospital lamang, ani Roamar.
Comentários