top of page

OSANG, NANIWALA SA KANTA NI REY VALERA KAYA 'DI RAW NAG-ASAWA NG MAYAMAN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 27, 2023
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 27, 2023




Ilang beses pumalakpak ang mga nakapanood ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera sa Gateway Cineplex 5 nitong Sabado nang gabi dahil lahat ay naka-relate sa bawat awiting isinulat ng nasabing music legend.


Idinaan ni Mr. Rey Valera ang lahat ng naranasan at experience niya sa buhay sa pamamagitan ng kanyang mga awitin na tagos sa puso at mararamdaman mo na lang na tumutulo na ang luha mo kasi kuwento mo rin pala ito at naka-relate ka.


Inamin din naman ng ilang cast na dumalo sa grand mediacon ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera sa Gloria Maris Gateway Mall tulad nina Rosanna Roces, Lloyd Samartino, Eric Nicolas, Shira Tweg at RK Bagatsing na halos lahat ng kanta ng music legend ay naging parte rin ng kanilang buhay-pag-ibig at ngayon ay playlist pa rin nila.


"'Yung 'pag narinig mo ‘yung kanta ni Sir Rey, bigla kang mapapahinto, tapos may maaalala ka?" say ni RK na sinang-ayunan din ng iba.


Anyway, nagpapasalamat si Rosanna na napasama siya sa biopic ni Ginoong Rey.


"Sobrang nagagalak ako at napasama ako rito at ako ‘yung gumanap bilang Lita Limang Piso na pinagkuhanan niya ng inspirasyon para sa (awiting) Maging Sino Ka Man at sabi ko nga noon, Martial Law ipinanganak ako, 1972, hindi ko siya naabutan at ang namamayagpag po noon ay OPM, Original Pilipino Music. At sabi ko rin doon sa video na sinubmit ko kay direk (Joven Tan), 'pag sinabing Rey Valera, hindi pa tapos 'yung number 1 niya, sunod na linggo, meron na naman, hahaha!"



At nang magkita sina Osang at Rey sa mediacon, sabi ng dating sexy actress sa composer, "At least, nakita na kita."


Dagdag niya, "Ngayon lang kami nagkita nang personal, idol ko 'yan (Rey). Noong bata ako, bukod sa iba pa (singers) at bilang mahilig din ako sa music, naging inspirasyon ko sa paghahanap ng asawa 'yung mga kanta niya at nabigo ako. Hahaha!" tumawang balik-tanaw ng aktres.


Sa tanong kung ano'ng kanta ni Rey Valera ang swak sa buhay niya, "Tayong Dalawa noon, ah. Kasi pansin ninyo, hindi ako mahilig sa mayaman na lalaki, 'di ba? (Sabay kanta), ‘Hindi ko na hinahangad ang yaman sa mundo,’ so, masyado akong naniwala sa kanta niya (tawanan ang lahat).


"Hindi pala totoo ‘yun, dapat may pera, hahahaha! (Next) Sinasamba Kita, 'pag sinabi sa akin ng lalaki, mapapakasalan ko. So, hindi ako tumingin sa salapi.


"Hanggang ngayon naman, ganu’n, mali, eh! Kailangan pala talaga, background check, hahahahaha!" masayang kuwento pa ng nag-iisang Miss O ng showbiz.


Ang awiting Walang Kapalit ay alay daw ni Rey para sa LGBTQ+ members.


"Talaga? Sige, mapapanood ko mamaya. Kaya pala bumagsak din ako sa kababata ko, kaya doon ako naniwala na ang totoong pag-ibig, kahit saan mo dalhin 'yan ay magtatagpo’t magtatagpo at magtatagal," seryosong sabi ni Osang.


As we all know, member ng LGBTQ ang long-time partner ni Osang na kasama niya sa screening ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera. Kasama rin niya ang apong si Leon na pumasok na rin sa showbiz, at maging ang ilang kaibigan.


Maraming nakapansin din sa apo ng aktres sa anak na si Onyok dahil hawig niya, guwapo at napakagalang na bata na nagsabi namang hindi niya pababayaan ang pag-aaral kahit nagso-showbiz na siya.


Samantala, para sa amin ay masaya, nakakaiyak at very inspiring ang kuwento ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera movie dahil maaalala mo ang mga masasaya at malulungkot na araw sa buhay mo kapag napapakinggan ang mga awitin ni Ginoong Rey.


At the same time, mai-inspire ka to go on or to move forward din dahil sa mga awitin nito.


Mapapanood na ang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera simula sa Abril 8 sa mga sinehan produced ng Saranggola Media mula sa direksiyon ni Joven Tan.


Magaganap ang SMMFF Parade of Stars sa April 2 (Sunday), 4:00 PM simula sa Villa Beatriz sa Commonwealth Ave. (across Diliman Doctors Hospital) patungong QC, Memorial Circle.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page