ni Lucifera @Lagim | October 28, 2023
Kahit na masuwerte si Orange sa bahay na iyon, pinili pa rin niyang lumipat nang bahay, kasama ang kanyang buong pamilya – magulang, tiyahin, kapatid at mga pamangkin.
“Ang laki naman ng bahay na ito pamangkin,” wika ng kanyang Tiya Meldy.
Ngumiti muna siya bago sumagot. “Para ho hindi na tayo magsiksikan.”
“Talagang ‘di na tayo masisiksikan dito, tatlong palapag ba naman itong bahay, eh!” Sabi naman ni Vince, nakababatang kapatid niya. Nag-iisang kapatid lang niya ito kaya ito ang dahilan kaya mayroon siyang limang pamangkin.
“Ang lupit mo talaga, sis! Napakagaling mo mag-vlog!” Dagdag pa nito.
Napangiti siya sa tinuran ng kanyang kapatid. Hindi rin naman kasi niya inakala na sunud-sunod na suwerte ang kanyang aanihin dahil sa pagba-vlog na kanyang ginawa. Nagising na lamang siya isang araw, trending na ang kanyang mga vlog, at hindi niya akalain na sa loob ng kalahating taon ay nagkaroon na siya ng milyones, at para bang gusto niyang magpamigay ng salapi.
Ang sabi kasi kapag naging mabuting tao ka sa iyong kapwa, partikular na sa mga taong nangangailangan mas pagpapalain ka, kaya naman iyon talaga ang plano niyang gawin. Kung kaya’t enjoy na enjoy siya sa kanyang pagtulong.
“Kung hindi dahil sa inyo, hindi ko makukuha ang lahat ng ito,” naiiyak pa niyang sabi habang tinitingnan ang kanyang pamilya, na para ba ito na ang huling pagkakataon na makikita niya ang mga ito. “Thank you so much!”
Kahit pangalan lang niya ang makikita sa vlogs, malaki pa rin ang naitulong ng kanyang kapamilya, kaya para masiyahan ang mga ito ay binigyan niya ito ng napakaraming pera.
Ngunit makaraan ang ilang sandali, biglang nagbago ang pakiramdam niya, at agad na tumingin sa paligid. Tiyak na naramdaman din ito ng kanyang pamilya, at nakarinig sila ng mga yabag sa hagdanan gayung wala naman silang nakita. Gayunman, matinding pangingilabot ang kanilang naramdaman.
Itutuloy…
Comments