top of page
Search
BULGAR

Organisasyon na tutugon sa mabilis na tulong sa mga OFWs, ayos!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 24, 2021



Habang maiksi ang kumot, matutong mamaluktot. ‘Yan ang ating kailangan sa ngayon na sagad na sagad na ang badyet ng ating pamahalaan dulot ng pandemya at mga nagdaang kalamidad.


Bagama’t isinusulong natin noon pa ang pagkakaroon ng Department of OFWs, marami ang nabago mula nang manalasa ang COVID-19. Mga pagkakataong hindi natin maiiwasan!


Sa katunayan, kulang pa nga maging ang pambili natin ng mga bakuna, at halos walang mailaan ang mga LGUs dahil kapos na sa pera dahil sa pandemya.


Ayon sa Budget Department, nasa P1.109-B ang tinatayang minimum na gastusin para sa pagtatayo ng panibagong departamento. Masakit man sa ating kalooban at gustuhin man nating mabuo na ang opisinang nakatutok para lang sa OFWs, aminin nating hindi pa talaga kaya sa ngayon.


Alam naman nating maiintindihan tayo ng mga ating mga mahal na OFWs, at batid din nila ang sitwasyon lalo na sa buong mundo na maging ang mga mayayamang bansa ay nakaranas na rin ng krisis.


Pero, ‘wag mawalan ng pag-asa ang ating mga bagong bayani. IMEEsolusyon natin d’yan ay ituloy na muna sana ‘yung mungkahi nating National Overseas Employment Authority (NOEA) na hindi gaanong malaki ang kinakailangang logistics sa pag-organisa.


Hindi dahil sa minamaliit natin ang problema ng OFWs, kundi dahil may right-sizing crusade ang ating Pangulo sa kabila ng katotohanang isa ang Department of OFWs sa kanyang mga binitiwang pangako.


Isa pang IMEEsolusyon d’yan ay mag-issue si PRRD ng Executive Order na nagpapalawak ng sakop ng POEA o Philippine Overseas Employment Administration. Makapagbibigay na ito ng dagliang tulong sa mga kababayan natin abroad na nangangailangan ng agarang solusyon sa kanilang problema dahil nariyan na ang istruktura o organisasyon. ‘Di ba?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page