top of page
Search
BULGAR

Ordinaryong manggagawa, ‘wag kawawain

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 5, 2023



Nahaharap tayong lahat sa malawakang impluwensya ng tinatawag na “artificial intelligence” (AI) o artipisyal na katalinuhan sa lahat ng sektor ng ating lipunan.


Para sa ating mga mambabasang hindi pamilyar dito, ang AI ay ang pagtantiya at paggaya sa katalinuhan ng tao sa tulong ng mga makabagong makina tulad ng kompyuter.


Kaya katalinuhang artipisyal ang tawag dito dahil may kakayanan itong mag-isip at tumantiya ng nilalaman ng pag-iisip ng mga tao na mula rin naman sa hinalukay nitong pinagsama-samang impormasyon mula sa kanila.


Noon pang 1956 nabuo ang katagang AI subalit kamakailan ay lalong naging matunog na tinatalakay dahil sa kasikatan ng ilang mga AI app tulad ng ChatGPT na nakakausap at natatanong mo tulad ng isang tao at naipagsusulat ka agad-agad ng mga kinakailangan mong dokumento, nakagagawa rin ng graphics, at marami pang iba.


Tinatalakay natin ito, sapagkat mahalagang maging updated ang ating mga ordinaryong kababayan lalo na ang ating mga maliliit na manggagawa sa epekto ng AI. Hindi dapat sila mapag-iwanan o mapabayaan sa gitna ng hindi mapigilang paglawak ng impluwensya nito sa bansa.


Ngayon pa lang, nananawagan na tayo kay Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungang hindi mapag-iwanan ang mga trabahante o empleyadong magiging apektado nito at maaaring magutom kung walang maagap na pag-alalay sa kanila ang ating pamahalaan.


Hindi natin maikakailang maraming kapaki-pakinabang na dala sa ating ekonomiya at pag-unlad ang AI, ngunit hindi rin tayo maaaring maging kampante at ipagsawalang-bahala ang mga panganib na dulot nito lalo na sa ating mga manggagawang lubusan nitong tatamaan.


Kabilang na rito ang mga nagtatrabaho sa tinatawag na “creative industries” gaya ng pelikula, telebisyon at musika, kung saan ang mga manunulat at iba pang talento ay naisasantabi na sa gitna ng paggamit ng AI apps na kayang magsulat ng script at marami pang ibang output.


Nagpaalala na kamakailan ang vice-chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board na si Nathaniel “Njel” de Mesa na mahalagang magkaroon ng “foresight” at plano sa pagharap sa kabuuang epekto ng artipisyal na karunungan.


Ayon kay De Mesa, napapanahon nang simulan ng pamahalaan ang pakikipag-usap sa mga sektor para matulungan ang mga manggagawa, lalo na sa industriya ng paglikha, na apektado ng paggamit ng AI sa bansa.


Sa Kamara naman, naghain kamakailan si Rep. Robert Ace Barbers ng resolusyon para talakayin ang mga banta ng AI.


Samantala, sa United States, tuloy pa rin ang strike ng may 11,500 miyembrong Writers Guild of America o WGA na nagsimula pa noong Mayo 2. Sa gitna ng kanilang pakikipaglaban para sa mas maiging “working conditions” at kompensasyon kasama na ang hiling na igalang ang kanilang karapatan at limitahan ang paggamit ng AI. Nag-anunsiyo naman ang malalaking film studio doon ng job vacancies para sa AI managers.


‘Wag nating hayaang mangyari ang ganito sa ating mga ordinaryong manggagawa. ‘Wag natin silang hayaang maging kaawa-awa, samantalang nakikita na natin ang maaari nilang sapitin kung hindi natin sila aalalayan. Ang mga benepisyong dulot ng lumalawig na karunungang artipisyal ay hindi dapat magpahirap kundi tumulong sa kanilang kalagayan.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page