ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 24, 2021
Umangkla ang batikang si Dennis “Robocop” Orcullo sa kanyang malupit na karanasan sa pagtumbok upang mahablot ang korona at makaiwas sa upset axe na magiting na hinawakan ni Baseth Mocaibat hanggang sa pagsasara ng bakbakang The Origin Cup sa Quezon City kamakailan.
Diskartehan ng safety shots ang naging tema ng race-to-9 na championship face-off at sa isang punto ay nangunguna pa si Mocaibat, isang hindi kilalang manlalaro pagdating sa global stage, sa iskor na 5-2. Nang nakabuwelo naman si Orcullo, sumibad ang dating World 8-Ball champion (2011) sa isang 8-6 na kalamangan. Pero hindi natinag si Mocaibat at nagawa pang itabla ang duwelo niya kontra sa "Money King" ng bilyaran mula sa Pilipinas (8-8). Sa huli, naipanalo ni Orcullo ang sumunod na dalawang laban kaya naitakas ang korona sa 10-ball sa paligsahang nilapatan ng "single elimination" na tuntunin.
Ang kislap ng eksperyensya ni Orcullo, itinuring na 2020 Derby City Classic Master of the Table, 47th Annual Texas Open 9-Ball kingpin at 2020 AZBilliards Moneyboard topnotcher ay naramdaman ng mga tumiklop na katunggali tulad nina Edgie Geronimo (round-of-16). 2006 World 8-Ball king at 2007 World 9-Ball titlist Ronnie "The Volcano" Alcano (quarterfinals) at Jundel Mazon.(semifinals). Sa kabilang dako, nasagasaan ni Mocaibat, sina Jonas Magpantay (round-of-16), Antonio Lining (final 8), at Jerico Banares sa final four.
Ang pag-akyat ni Mocaibat, pambato ng Cavite, sa finals ay nagpapakita sa lalim ng reserba ng mga magagaling na cue artists ng Pilipinas. Sa torneo, nasaksihan ang maraming upsets tulad nang masingitan ni Jerico Banares sina Roberto "Superman" Gomez at dating World Straightpool winner Lee Van Corteza; at nang makaisa sina Anton Raga at Mazon kontra sa mga dating hari ng 9-ball sa buong mundo na sina Francisco "Django" Bustamante at Carlo "The Black Tiger" Biado.
Comments