ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 29, 2021
Ipinatong sa ulo ni Pinoy Robocop Dennis Orcullo ang korona sa Texas Open One Pocket Tournament matapos niyang dominahin ang winner’s sa bracket at ang maigting na kompetisyong nasaksihan sa palaruan ng Skinny Bob’s sa Round Rock, Texas sa pamamagitan ng malinis na kartada.
Sinagasaan ng dating world 8-ball champion (2011) ang mga nakasagupa niyang sina Pedro Botta (5-1; round 1), Kuwaiti Omar Alshaheen (5-3; round 2), Finnish Mika Immonen (5-0; round 3), Amerikanong si Corey Deuel (5-2; round 4), USA bet Josh Roberts (5-2) at si Roberts uli sa finals sa isang pagtuturo ng leksyon (5-1) para makandaduhan ang korona sa torneong may double elimination na format.
Ang walang mantsang performance sa race-to-5, alternate break na tuntuntin sa mga bakbakan sa Texas ay nagbigay sa Pinoy, nagbigay rin ng titulo sa Pilipinas bilang kampeon ng World Cup of Pool katambal si Lee Van “The Slayer” Corteza, ng gantimpang $15,500 bilang kampeon. Napanatili rin ni Orcullo ang paghawak sa trangko ng 2021 AZBilliards Moneyboard.
Samantala, halagang $10,000 naman ang naging pabuya ni Roberts (5 panalo, 2 talo) bilang segunda. Si World Pool Billiards Association (WPA) no. 2 Shane Van Boening (7 panalo, 2 talo) ng Estados Unidos ang nakakuha ng huling upuan sa podium pati na ang pakonsuwelong papremyong $5,000.
Kasama sa mga nag-ambisyong mag-podium sa paligsahan pero umuwing nganga sina 2017 World 9-Ball Championship winner Carlo “The Black Tiger” Biado, Roberto “Superman” Gomez, Warren “The Warrior” Kiamco, 2017 World 9-Ball Championships runner-up Roland Garcia, 2004 World 9-Ball titlist Alex “The Lion” Pagulayan, Canadian John Moora, Sky Woodward ng USA at ang Hapones na si Naoyuki Oi.
Comments