top of page
Search

Orasyon para sa mga nawawalang bagay

BULGAR

ni Sister Isabel del Mundo @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | January 4, 2023


Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyo. Gusto kong magpatulong tungkol sa problemang napasukan ko. Nadamay ako sa problema ng officemate ko dahil dalawa kaming na-assign sa mga official receipts (OR) ng kumpanyang pinapasukan namin. Ang problema ay nawawala ‘yung 5 ORs at hindi namin malaman kung bakit nawala, gayung kami lang ang nakakapasok sa opisina namin.


Isang linggo lang ang ibinigay sa amin para hanapin yung 5 ORs, at kapag hindi namin nakita ay ite-terminate kami.


May alam ba kayong orasyon para sa nawawalang bagay? Sana ay matulungan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

David ng Bulacan


Sa iyo, David,


Sa aking pakiramdam ay nar’yan lang sa paligid n’yo ang kumuha ng mga ORs na nawawala. Anuman ang motibo niya ay hindi siya magtatagumpay sa masama niyang balak dahil parurusahan siya ng tadhana. Makabubuting makiramdam ka nang husto sa mga taong nakapaligid sa iyo.


Tungkol naman sa tanong mo kung may alam akong orasyon para makita ang nawawalang bagay, may alam akong dasal para makita ang nawawalang bagay. Nagdarasal ako nang taimtim sa Mahal na Poong Nazareno.


Ganito ang dasal ko, isang Ama Namin, Sumasampalataya; pagdating sa “Pinako”, huminto ka at idugtong mo, “Mahal na Poong Nazareno, makita ko nawa ang 5 OR na nawawala. Ibalik nawa ng kumuha,” nang tatlong beses, isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati sa Ama. Dasalin mo ‘yan nang siyam na araw at hindi lalagpas ang siyam na araw at makikita mo ang mga nawawalang OR dahil ibabalik na nu’ng kumuha.

Mabisa ang dasal na ‘yan, kaya subukan mo. Lakip nito ang dalangin na maibalik na ang mga hinahanap n’yo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page