ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 20, 2022
Samu't saring aberya ang sumalubong sa pag-arangkada ng isang buwang botohan ng ating OFWs sa iba’t ibang bansa. May na-delay na election paraphernalia, doble-doble ang mga mail-in ballots o kaya’y di pa nakakarating, sinasabing may ‘shade’ na ang ibang balota, may mga OFWs na ‘di pa nakapagparehistro, may hindi nakaboto dahil sa siksikan, etc.
Sa mga nakarating nga sa ating tanggapan, eh meron ding iba na hindi talaga nila alam kung saan sila pupunta para bumoto habang ang iba eh hindi na raw nakapagparehistro dahil tapos na, at ang iba nama’y naipit sa napakahabang pila dahil sa iilan lang ang voting precinct. Hay, Apo, kay daming mga gusot.
Eh ang mga ‘yan eh nangyari sa Hong Kong, Singapore, U.S., Italy, New Zealand, Saudi Arabia, United Kingdom at Sweden.
Nakababahala ‘yan ha, nagsisimula pa lang medyo marami-rami nang aberya. Santisima!
Mantakin mo naman ‘yang mga ganyang aberya, eh posibleng maulit sa iba pang bansa na may malaking populasyon ng mga botanteng OFWs. ‘Wag na nating hintayin na kung kelan last minute doon lang tayo kikilos. Naku, eh libu-libong OFWs ang ‘di makakaboto nang ganyan ha!
Bilang chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, ako eh humihirit sa mga taga-Commission on Elections (Comelec) na ang pinakamabilis na IMEEsolusyon d’yan eh palawigin ang oras ng pagboto ng ating OFWs sa mga embahada at konsulada ng ‘Pinas.
Saka, pakisuyo na lang Comelec, IMEEsolusyon din ang paigtingin pa ng Comelec at ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbibigay ng impormasyon sa ating OFWs kung saang presinto o voting precinct sila nakatakdang bumoto.
May oras pa naman o hindi pa huli ang lahat para maagapan ang mga problema sa botohan ng mga OFWs. Medyo pakibilis-bilisan lang ang kilos para mas maagang maresolbahan ang mga aberyang ‘yan. Pagtulungan na n’yo, Comelec at DFA. Keri n’yo ‘yan!
Comments