top of page
Search
BULGAR

Operator at driver na biktima ng phaseout, suportado ng grupo ng mga manggagawa

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 9, 2024





Nakakuha na naman ng kakampi ang mga driver at jeepney operator na biktima ng paspasang implementasyon ng Public Utility Modernization Program (PUVMP) dahil napakalaki umano ng maidudulot nitong epekto sa kabuhayan lalo pa at itinuturing nang kolorum ang mga tradisyunal na jeepney na hindi umabot sa deadline noong nakaraang Abril 30 para sa consolidation ng prangkisa ng mga PUV.


Nagpahayag mismo ng suporta ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Trade Union Congress of the Philippines, Employers Confederation of the Philippines, Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, at Philippine Exporters Confederation sa inilabas na joint statement, isang araw bago sumapit ang deadline sa consolidation ng prangkisa ng mga jeepney.


Kinuwestiyon na rin ng mga manggagawa ang hindi umano pagkakaroon ng ‘just transition’ sa “formulation, execution, and oversight ng PUVMP” at hindi rin nakonsulta ang mga operator at driver sa disenyo ng modern jeepney.


Wala umanong inilatag ang Department of Transportation (DOTr) na kompensasyon sa mga igagaraheng jeepney unit at ang sapilitang pagbili ng modern jeepney ay napakamahal sa halagang P2.5 milyon hanggang P3 milyon. Taliwas din umano ang PUVMP sa UN Sustainable Development Goals na “no one should be left behind” sa anumang pagbabago sa ekonomiya at industriya.


Ayon sa mga manggagawa, kailangan umano ng urgent review ng PUVMP upang maliwanagan ang lahat hinggil sa legalidad nito at iba pang aspeto tulad ng deadline para sa consolidation at pagbuo ng mura at mababang presyo na kaya ng mga operator.


Ang walang habas na phaseout ng tradisyunal na jeepney na hindi man lamang naglaan ng alternatibo para sa working-class commuters ay malaking epekto o magdudulot ng domino effect sa domestic business at sa ekonomiya — kailangan umano ng marahan at konsiderableng hakbang tungo sa nasabing modernization.


Noong kasagsagan ng mainit na pagpapatupad ng PUVMP ay naglabasan na rin ang mga pahayag na ito mula sa mga operator at driver na hindi naman nakatulong para magbago ang isip ng pamahalaan at tuluy-tuloy pa rin ang modernisasyon.  


Ngayong naramdaman na rin ang mga grupo ng mga manggagawa, ang nararanasang pighati ng mga operator at driver ay inaasahang makadagdag na naman ito sa usapin hinggil sa malapit na sanang maresolbang PUVMP.


Hintayin na lang natin kung muling mabubuhay ang init ng usapin sa PUVMP, ngayong pati grupo ng mga manggagawa ay nakikisimpatiya na rin sa mga operator at driver na hindi pa rin nawawalan ng pag-asa patungkol sa pagtutol nila sa PUVMP.


May kabigatan kasi kung grupo ng mga manggagawa na ang makikipagbalitaktakan sa pamahalaan dahil malaking sektor ito at hindi basta-basta puwedeng balewalain.

Sa puntong ito ay nabuhayan nang husto ang mga transport group dahil malaking grupo ang nakuha nilang suporta mula sa mga manggagawa na kilala rin natin ang puwersa sa tuwing nagsasagawa ng mga kilos-protesta.


Lalo pa at may pahabol ding pahayag si Sen. Grace Poe na kailangang alamin ang kalagayan ng mga driver at operator hinggil sa pagpapatupad ng PUVMP, at kailangan pa umano ng panibagong imbestigasyon.


Si Sen. Poe na siyang chairperson ng committee on public services ay malaki ang magagawa para mabago ang direksyong tinatahak ng PUVMP.


Kaya kung inaakala nating tapos na ang usapin sa phaseout ng tradisyunal na jeepney ay nagkakamali tayo — dahil nagsisimula pa lang uminit nang seryoso.


Nakadagdag pa sa usapin ang mariing utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) na hulihin na ang lahat ng kolorum na sasakyan sa bansa dahil talamak na ang operasyon – tiyak na apektado rin ang mga tradisyunal na jeepney na itinuturing na kolorum ang mga itong hindi nakilahok sa consolidation ng prangkisa  sa PUV.


Mas madali kasing matukoy ang mga tradisyunal na jeepney kaya mas mabilis silang mahuli ng mga enforcer. Tiyak na magrereklamo na naman ang mga driver ng lumang jeepney na sila lang ang hinuhuli samantalang santambak nga ang kolorum.


Hayyy, standby na lang muna tayo kung hanggang kailan pa aabot ang problemang ito ng tradisyunal na jeepney.      

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page