ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 24, 2023
Mula noon hanggang ngayon ay santambak pa rin ang ‘kotong enforcer’ sa tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na daig pa ang kalawang na siyang sumisira sa magandang intensyon ng ahensya.
Santambak ang media at vlogger na palaging nakabuntot sa operasyon ng mga operatiba ng MMDA, ngunit tila nakakaligtaan nilang hindi lang iilan kung hindi napakaraming enforcer ang nakikinabang sa operasyon ng kolorum sa kanilang nasasakupan.
Tinalakay natin ang problemang ito sa dami ng sumbong na ating natatanggap na may ilang asosasyon ng kolorum na van na bumibiyahe sa EDSA ang sila na mismo ang nagmamanipula sa ilang opisyal ng traffic enforcer ng MMDA kung sino ang padaraanin sa EDSA at kung sino ang hindi.
May isang ‘babaeng maliit’ na sadyang hindi muna natin inilathala ang pangalan ngunit binansagang ‘Gasul’ dahil bahagya lamang umanong tumaas sa tangke ng gasul, na namumuno ng ilang samahan ng mga van na sigang-siga ang dating dahil sa kanya tumatanggap ng lingguhang suhol ang mga tiwaling enforcer ng MMDA.
Hindi lang MMDA ang tumatanggap ng lingguhang lagay dahil maging ang ilang operatiba ng Land Transportation Office (LTO), InterAgency Council for Traffic (I-ACT) at ilan sa mismong operatiba ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ay tumatanggap din kaya malaya ang mga kolorum na van sa EDSA.
Naniniwala naman tayong ilan lang naman ang mga tiwaling operatiba, kaya lang ay nadaramay ang kani-kanilang ahensya at hindi maiiwasang mag-isip ng ating mga kababayan na hanggang katas-taasan ay tumatanggap ng lagay dahil lantaran ang pagdaan ng van na kolorum.
Libu-libo ang mga van na isang dahilan kaya nagsisikip ang EDSA na mula sa iba’t ibang lalawigan, naiisip n’yo ba kung magkano ang kinikita ng mga enforcer na nakahambalang sa EDSA?
Huwag na nating halukayin ang mga nasa malalayo, busisiin na lang natin itong itong terminal sa Balibago Complex sa Sta. Rosa, Laguna na pinamumugaran ng legal at kolorum na van na pawang bumibiyahe mula Balibago patungong Crossing na pumaparada sa Starmall sa Mandaluyong City.
Sa Balibago pa lamang ay puro ilegal na ang terminal at kamakailan lamang ay may napaulat na operator ng van ang namatay dahil nabaril ng mga katunggali sa agawan sa terminal na pinamumugaran ng mga kolorum, kaya panahon na para linisin ang lugar na ito.
May ilang van na tila legal dahil pinayagan silang maging Premium Taxi na dapat hanggang pitong pasahero lamang ang sakay ngunit nagiging illegal dahil ginagamit nila ito sa pangungulorum na umaabot sa 18 pasahero kada biyahe ang sakay.
Ang masaklap, may sarili silang patakaran sa pagsingil ng pasahero, dahil kolorum nga ay walang kumukontrol, kaya sumisingil sila ng P200 bawat pasahero mula Balibago patungong Crossing dahil nagbibigay nga sila ng ‘lagay’ para makadaan sa EDSA.
Ang mas grabe pa, ang mga van na hindi nagbibigay ng lagay kay 'Gasul' na opisyal ng mga samahan ng van at may-ari rin ng ilang Premium Taxi ay siya ring nagpapahuli sa mga kakumpitensyang van gamit ang mga operatiba ng MMDA.
Noong isang araw ay may isang van na legal ang prangkisa ang hinuli ng MMDA ngunit kinumpiska pa rin ang lisensya dahil bawal umanong dumaan sa EDSA—'yun pala ay itinimbre lamang ni 'Gasul' dahil kakumpitensya sa biyahe at ayaw maglagay.
Hindi tayo tutol sa panghuhuli ng van sa EDSA kung talagang bawal, pero dapat lahat at hindi porke may ‘lagay’ ay puwedeng magpabalik-balik at ‘yung mga hindi nagbibigay ay regular na hinuhuli at minamanipula pa ang mga operatiba ng MMDA.
Nanawagan tayo kay MMDA Chairman Romando Artes, na kung hindi pa panahon para ire-shuffle ang lahat ng operatiba sa EDSA ay magsagawa man lamang ng imbestigasyon para mawala na ang buwayang enforcer na nakasisira sa magandang imahe ng MMDA.
Malaking tulong Chairman Artes kung ipatatawag mo ang isa sa iyong operatiba na nakamo-TOR YO! na nasa EDSA dahil kaabutang-palad niya si 'Gasul', baka sakaling hindi magsinungaling at maayos na ang problema sa kolorum ng van sa EDSA.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments