ni Lolet Abania | May 16, 2022
Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Lunes na ang operasyon ng “Peryahan ng Bayan” ay nananatiling suspendido sa gitna ng mga reports na nagbukas na ang mga ito sa maraming lugar sa bansa.
Sa isang statement, nagbigay na ng direktiba si DILG Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) at local government units (LGUs) para i-monitor at paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na aktibidad.
“Suspendido pa rin po ang operasyon ng Peryahan ng Bayan kaya inaatasan ko ang PNP na ipagpatuloy ang maigting na kampanya para supilin ang lahat ng uri ng illegal gambling, kasama na ang PnB,” ani Año.
Ayon sa DILG ang operasyon ng Peryahan ay nagpatuloy na sa maraming lugar dahil sa ilang operators ay nagpapakita umano ng writ of execution na inisyu ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 161 noong Enero 24, 2020 sa mga awtoridad para payagan ang mga ito na mag-operate.
Gayunman, sa parehong korte rin na-recall ang writ of execution noong Pebrero 18, 2020 batay sa memorandum na inisyu ng Office of the President at ang urgent manifestation na inihain ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Noong Enero 29, 2020, nag-isyu si Executive Secretary Salvador Medialdea ng isang memorandum sa PCSO para linawin na ang mga operasyon ng Peryahan ng Bayan ay nananatiling suspendido.
“Unless the said order is overturned by the same court or court of higher jurisdiction, the recall order is effective and should be implemented. Hence, the operations of Peryahan ng Bayan are still suspended,” sabi ni Año.
Comments