@Editorial | August 04, 2021
Tuloy ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan sa panahong nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR).
Ito ang tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) matapos maglabas ng guidelines kahapon.
Bagama’t mayroong pampublikong sasakyan na babiyahe sa ECQ, Authorized Persons Outside Residence (APOR), na tinukoy ng Inter-Agency Task Force, lamang ang papayagang sumakay sa mga ito.
Kaugnay nito ay pinaghahanda ang mga APORs ng kanilang identification cards o iba pang dokumento bilang patunay na pinapayagan silang makabiyahe.
Para sa mga pampublikong sasakyan, tulad ng mga bus at jeepneys, 50 porsiyento lamang ng seating capacity ang pinapayagan upang masunod ang “one-seat-apart” setup.
Samantala, para sa mga tricycles, isang pasahero lamang ang maaaring sakay nito habang patuloy din ang operasyon ng mga motorcycle taxi services at Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Gayundin, ang mga tren ng Philippine National Railways, LRT-1, LRT-2, at MRT-3 ay mananatiling operational, pati ang mga flights at sea travel sa NCR.
Malaking bagay ang pagkakaroon ng pampublikong sasakyan sa kabilang ng ipinatutupad na mahigpit na lockdown. Ang COVID-19 at Delta variant ay matinding banta sa ating kalusugan, gayunman, ang kawalan ng mapagkakakitaan ay malaking problema naman sa personal na pamumuhay at ekonomiya ng bansa.
Kooperasyon at displina ang kailangang pairalin sa panahon ng pandemya nang sa gayun ay sama-sama natin itong mapagtagumapayan.
Comments