ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 24, 2021
Balik-operasyon na ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) matapos itong pansamantalang ihinto dahil sa naganap na magnitude 6.6 na lindol sa Calatagan, Batangas na naramdaman din sa Metro Manila.
Kaagad na nagsagawa ng “full inspection of tracks and facilities” ang LRT-1 kaugnay ng lindol.
Bandang 6:25 AM naman nang nagbalik-operasyon ang LRT-1.
Saad naman ng MRT-3 bandang alas-7:04 nang umaga, “Bumalik na sa normal na operasyon ang MRT-3 matapos pansamantalang itigil ang biyahe ng mga tren, matapos magsagawa ng safety check at assessment sa mga istasyon at pasilidad nito kaugnay sa nangyaring lindol kaninang 4:49 AM sa Calatagan, Batangas.”
Samantala, sa inisyal na ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), unang naitala ang lindol bilang magnitude 6.7 ngunit ibinaba ito sa magnitude 6.6.
Comments