top of page
Search
BULGAR

Operasyon ng LRT-1, 2 at MRT-3, i-extend sana hanggang midnight

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 2, 2024



Boses by Ryan Sison


Tiyak na matinding kalbaryo na ang mararanasan ng mga komyuter lalo’t papalapit na ang kapaskuhan.


Kaya naman hinimok ng isang mambabatas ang Department of Transportation (DOTr) na i-extend hanggang hatinggabi ang operating hours ng Light Rail Transit 1 (LRT-1), LRT-2 at Metro Rail Transit 3 (MRT-3). 


Iginiit ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na hindi sapat ang mass transit lines para maserbisyuhan ang mga komyuter, partikular na ang mga nasa Business Processing Office (BPO) at iyong mga night shift employee sa National Capital Region.


Maliban dito, dahil sa nagsisimula na rin ang Christmas rush ay siguradong marami na ang mga kababayan na nagkukumahog sa pamimili kaya aniya, dapat na gawing hanggang alas-12 ng hatinggabi ang operasyon ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 mula sa kasalukuyan na hanggang alas-10:30 ng gabi lamang.  


Sa ngayon, ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3 ang rail lines na nag-o-operate sa Metro Manila na nagseserbisyo sa humigit-kumulang na 323,000, 140,000 at 357,000 (batay sa pagkakasunud-sunod) ng mga mananakay kada araw. 


Sinabi pa niya na isipin na lamang na ngayong panahon ng holiday season ay tiyak na magiging masikip ang daloy ng trapiko at dagdag-parusa ito sa mga komyuter, kaya ibigay na lamang natin ito sa kanila bilang maagang pamasko.


Mainam nga siguradong palawigin ang operasyon ng mga naturang rail lines para maging maginhawa naman ang pagbiyahe ng ating mga kababayan.


Hindi rin kasi kinakaya ng mga mass transport ang napakaraming pasahero lalo na kapag nagkasabay-sabay na sa kanilang pagpasok at pag-uwi. 


Gayundin, malaking tulong ito sa mga kababayang nagtatrabaho na panggabi at mga nasa BPO dahil kahit paano ay mayroon silang masasakyan kahit dis-oras na ng gabi.


Dapat din sigurong dagdagan ang mga security personnel ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 para matiyak ang seguridad ng lahat ng mga pasahero.


Hiling natin sa kinauukulan na sana ay ikonsidera nila ang pakiusap na ito na i-extend ang operating hours ng ating mga train na sadyang pakinabang din naman para sa mga kababayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page