ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 10, 2020
Napapanahon nang paigtingin ng ating pamahalaan ang batas na magsusugpo sa human trafficking sa kabataan at kababaihan.
Mula nang mag-lockdown dahil sa COVID-19 ay lumobo na ang mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa. Ayon sa Office of Cybercrime ng Department of Justice (DOJ), umabot sa 279,166 mga kaso ng OSEC ang naitala mula Marso 1 hanggang Mayo 24. Lumalabas na mas mataas ito ng 264 porsiyento (76,561 bilang ng mga kaso) kung ihahambing sa parehong petsa noong nakaraang taon.
Kamakailan ay inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1794 o ang ‘Eliminating Trafficking in Persons’ na layong patatagin ang Republic Act No. 9208 na una nang inamyendahan ng Republic Act No. 10364 o ang ‘Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012’. Hangad nitong palakasin ang mga pamamaraan ng pagtugis sa anumang uri ng human trafficking—kabilang na ang pornography, prostitusyon, pang-aabusong seksuwal, forced labor at pagbebenta ng laman loob.
Sa ilalim ng nasabing panukala, maaaring magbigay ang Regional Trial Court ng pormal na kautusan upang siyasatin o i-rekord ang mga mensahe, datos at impormasyong nagmumula sa isang tao na pinaghihinalaan o nakasuhan na ng trafficking. Ngunit bago ito pahintulutan ng korte, dapat munang patunayan ng mga law enforcer o awtoridad na mayroong krimeng naganap, isinasagawa o binabalak pa lamang. Maaari silang makulong ng hanggang 12 taon kung nagsagawa sila ng surveillance ng walang pahintulot ng korte.
Mahalaga rin ang papel ng teknolohiya upang tapusin na ang krimeng ito lalo na’t sa pamamagitan nito, ginagawa ng mga kriminal ang kanilang katiwalian sa mga inosenteng kabataan at kababaihan.
Sa ating panukala, bibigyan ng mandato ng naturang panukala ang mga internet service providers o ISPs at tourism-oriented establishments na i-ulat at pigilan ang mga kaso ng trafficking. Halimbawa, tungkulin ng mga ISP ang pagharang sa anumang uri ng child pornography. Magiging tungkulin naman ng mga tourism-related establishments ang pagsasanay sa kanilang mga empleyado upang matukoy ang mga posibleng insidente ng trafficking sa kanilang mga pasilidad at mai-ulat ang mga ito sa mga awtoridad.
Maliban sa mas malakas na sistema para sa pagtugis sa mga kriminal, bahagi ng reporma na ating isinusulong ay ang mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng ating gobyerno upang masiguro natin ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan.
Para maisakatuparan ito ay palalakasin ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pamamagitan ng pakikipagsanib puwersa sa mga ahensiyang tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Health (DOH), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Transportation (DOTr) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nananawagan tayo sa mabilis na pagtugon at pagpapatupad ng naturang panukalang-batas. Alang-alang sa kinabukasan ng susunod na henerasyon, bigyan natin ito ng prayoridad.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Kommentare