ni Zel Fernandez | May 4, 2022
Kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendehin ang operasyon ng online sabong, mahigpit nitong pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat umano sa paggamit ng financial app na GCash.
Ang inilabas na babala ng gobyerno ay may kaugnayan sa tuluyang pag-block o pagsara umano ng naturang kumpanya sa nasa 900,000 accounts na hinihinalang nagagamit umano sa mga online scams at iba pang fraudulent transactions sa bansa.
Paliwanag ni GCash President at Chief Executive Officer Martha Sazon, ang naturang hakbang ay naisagawa umano ng kanilang kumpanya sa loob ng unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI), katuwang ang Philippine National Police (PNP).
Giit ng GCash president, layunin ng hakbang na ito na maprotektahan ang kanilang mga kliyente laban sa talamak na panloloko o scam, gamit ang kanilang online app.
Gayundin, sinabi ni Sazon na kaakibat ng pagpapalakas ng kanilang security system, muli nilang paalala sa publiko na maging maingat at mapagmatyag sa mga online transactions gamit ang GCash app.
Bukod pa rito, mahigpit nitong ipinagbabawal ang pagbibigay o pagbabahagi ng One Time Pin (OTP) sa sinumang kahina-hinala ang istilo ng pakikipagtransaksiyon.
Comments