top of page
Search
BULGAR

Online registration sa national ID, start na!

ni Lolet Abania | April 27, 2021




Maaari nang magparehistro online para sa national identification system ng bansa simula sa Biyernes, Abril 30, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua.


Ayon kay Chua, maglulunsad ang NEDA ng isang online system kung saan kokolektahin ang mga demographic data ng mga mag-a-apply para sa national ID.


Gayunman, ipinaliwanag ni Chua na ang mga aplikante nito ay kailangan pa ring magpunta nang personal sa mga registration centers para sa kanilang biometrics kasabay ng pagbubukas ng sarili nilang bank account.


Sinabi rin ni Chua na ang pagkakaroon ng national ID system ng bansa ay makatutulong nang malaki para mapabilis ang isinasagawang vaccination program at ang distribusyon ng financial aid habang may lockdown.


Dagdag niya, makatutulong din ito sa mga low-income families para makapagbukas ng sariling bank accounts.


Matatandaang pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng national ID ng mga mamamayan, kung saan nakapaloob dito ang Philippine Identification System (PhilSys) Act number, buong pangalan, facial image, sex, petsa ng kapanganakan, blood type at address.


Noong 2018, pinagtibay at isinabatas na ni P-Duterte ang panukalang national identification system para pagsamahin at i-integrate na lamang ang marami at paulit-ulit na government IDs at itakda ang isang national ID system.


Inaprubahan din ng pamahalaan ang dagdag na P3.52-billion pondo upang mairehistro ang 20 milyong Pilipino sa national ID system ngayong taon.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page