top of page
Search
BULGAR

Online na ang application ng SS number

@Buti na lang may SSS | May 28, 2023


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay isang college student na gustong mag-part time work. Nag-apply ako sa isang call center at natanggap naman ako. Isa sa requirements ay ang pagkuha ng SSS number ngunit wala pa ako nito. Hindi ako makapunta sa branch ninyo dahil may pasok ako sa school. May paraan bang makakuha ako ng SSS number na hindi na pupunta sa SSS branch? Salamat. —Lilian ng Mandaluyong City


SAGOT:

Mabuting araw sa iyo, Lilian!


Hindi mo na kailangang magtungo sa alinmang sangay ng SSS upang kumuha ng iyong Social Security (SS) number, sapagkat available na ito online sa pamamagitan ng aming website, www.sss.gov.ph.


Inilunsad ito ng SSS upang mapabilis ang pagkuha ng SSS number with My.SSS registration lalo na ang mga bagong tapos sa kolehiyo at kabataang naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon. Kasama rin ang online na pagbigay ng SSS number sa aming patuloy na kampanya upang palawakin pa ang kapasidad ng aming website para makapagbigay ng mas magandang alternatibo sa mga over-the-counter na aplikasyon.


Upang makakuha ng SS number, pumunta sa SSS homepage at pindutin ang “No SSS number yet? Apply Online” tab na makikita sa ibabang bahagi ng SSS website.


Pagkaraan ay lalabas ang step-by-step guide na dapat mong sundin para umusad ang iyong online application.


Kinakailangang ibigay mo ang iyong mga personal na impormasyon gaya ng pangalan, petsa ng kapanganakan at e-mail address. Pagkatapos isumite ang mga impormasyong ito, padadalhan ka ng link sa iyong ibinigay na e-mail, kaya dapat ito ay aktibo at laging ginagamit. Sa iyong e-mail address, kailangan mong kumpirmahin ang link na ipinadala sa iyo sa loob ng limang araw dahil kung hindi mo ito gagawin, uulitin mo ang buong proseso.


Para makumpleto ang registration, kailangang suriin mong mabuti ang mga impormasyon na iyong nilagay at itama ito kung may mali bago makakuha ng SS number sa online system.


Dapat maging maingat at suriing mabuti ang mga personal na datos na iyong ilalagay bago ito isumite. Maaari lamang itong baguhin ang iyong member information gamit ang My.SSS account kung ito ay simple correction o sa pagsusumite ng Member's Data Change Request kalakip ang mga kaukulang dokumento at ipasa ito sa alinmang sangay ng SSS.


Pagkatapos ma-isyu ang SS number, ipapakita sa screen ang iyong personal record at SS number slip. Maaari mo rin itong i-print bilang katibayan ng iyong online registration.


Magpapadala naman ng soft copy ng iyong Personal Record (E-1) sa rehistradong e-mail address na ibinigay mo sa SSS.


Maaari mo nang ibigay sa iyong employer ang naisyung SS number. Upang maging permanent naman ang status ng iyong SS number, kinakailangan mong magsumite online o sa pinakamalapit na SSS Branch ng mga documentary requirements katulad ng Birth Certificate. Maaari mong itong gawin sa iyong libreng araw.

***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment o bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page