ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 3, 2025
Dear Chief Acosta,
Labing-siyam na taon na kaming magkarelasyon ng aking kasintahan na isang OFW na ngayon ay nasa Italya. Dahil wala pa rin akong naririnig na planong kasalan mula sa kanya sa kabila ng haba ng aming pagsasama, ako ay nagdesisyong makipaghiwalay na sa kanya. Subalit, hindi siya pumayag na makipaghiwalay sa akin at sinabi niyang pakakasalan niya ako kaagad. Plano niya na ikasal kami online sa pamamagitan ng video call sapagkat ilang taon pa diumano siya bago makauwi sa Pilipinas dahil sa kanyang kontrata. Legal ba ang kasalang gaganapin online? — Bianca
Dear Bianca,
Alinsunod sa Family Code of the Philippines, ang kasal ang pundasyon ng pamilya at ng institusyong panlipunan. Bilang isang espesyal na kontrata na permanenteng nagbubuklod sa isang lalaki at babae, ay kinakailangan itong umayon sa mga panuntunan ng batas. Upang magkaroon ng bisa ang isang kasal, kinakailangan nito ng essential at formal requisites. Ang mga patakarang ito ay nakasaad sa Artikulo 2 hanggang 4 nito:
“Art. 2. No marriage shall be valid, unless these essential requisites are present:
(1) Legal capacity of the contracting parties who must be a male and a female; and
(2) Consent freely given in the presence of the solemnizing officer.
Art. 3. The formal requisites of marriage are:
(1) Authority of the solemnizing officer;
(2) A valid marriage license except in the cases provided for in Chapter 2 of this Title; and
(3) A marriage ceremony which takes place with the appearance of the contracting parties before the solemnizing officer and their personal declaration that they take each other as husband and wife in the presence of not less than two witnesses of legal age.
Art. 4. The absence of any of the essential or formal requisites shall render the marriage void ab initio, except as stated in Article 35 (2).
A defect in any of the essential requisites shall render the marriage voidable as provided in Article 45.
An irregularity in the formal requisites shall not affect the validity of the marriage but the party or parties responsible for the irregularity shall be civilly, criminally and administratively liable.”
Sang-ayon sa nasabing mga probisyon ng batas, kinakailangan na may legal na kapasidad ang isang babae at lalaki na magpakasal. Dapat ay mayroon din silang lisensya na magpakasal, maliban na lamang kung ang kanilang sitwasyon ay hindi kinakailangan ng lisensya tulad ng mga kasong nakasaad sa Kabanata 2, Titulo I ng Family Code of the Philippines. Kailangan din na malaya nilang ibinigay ang kanilang pagpayag sa pagpapakasal sa presensya ng opisyal na may awtoridad na magkasal.
Kinakailangan na sa seremonya ng kanilang kasal ay humarap sila sa opisyal na magkakasal, at personal nilang ipahahayag na tinatanggap nila ang isa’t isa bilang mag-asawa sa presensya ng hindi bababa sa dalawang saksi na nasa legal na edad.
Sa sitwasyong iyong nabanggit, ang kasalang isasagawa sa pamamagitan ng video call ay itinuturing na online marriage kung saan walang personal na pagharap sa isa’t isa ang ikakasal, ang mga saksi, at ang opisyal na magkakasal dahil hindi sila pisikal na naroroon sa parehong lokasyon. Ang ganitong klaseng kasalang isinasagawa online ay hindi pa kinikilala ng ating bansa sapagkat ayon sa Artikulo 4 ng Family Code of the Philippines, ang kasal na walang alinman sa mga essential o formal requisites ay walang bisa, maliban na lamang sa nakasaad sa Artikulo 35 (2) nito.
Layunin ng ating batas na maprotektahan ang kabanalan ng kasal kung kaya’t kinakailangan ang personal na paghaharap ng mga partido upang matiyak ng opisyal na magkakasal at ng mga saksi na boluntaryo at malaya silang nagkasunduang ikasal sa isa’t isa. Sa gayon, ang kasal na pinaplano ng iyong kasintahan ay walang bisa rito sa Pilipinas at hindi maituturing na legal ayon sa ating batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments