ni Mharose Almirañez | November 24, 2022
“DOTA o ako?” Matatandaang sumikat ang awiting ‘yan noong 2013, kung saan tinalakay sa kanta ang comparison ng girlfriend vs. online games na Defense of the Ancients o mas kilala sa DOTA—larong nakakasira ng relasyon, ‘ika nga. Makalipas ang ilang taon ay hindi na lamang DOTA ang kinahumalingan ng mga gamer dahil sa pag-usbong ng iba’t iba pang online games na puwede ring laruin via mobile.
Kamakailan ay nakilala ang Blacklist International bilang E-sports organization na nagbigay ng karangalan sa bansa dahil sa ipinamalas nilang galing sa paglalaro ng PUBG, Mobile Legends: Bang Bang, Garena Free Fire at Call of Duty. Napabalitang magkakaroon din sila ng participation sa Division I ng Dota2 Pro Circuit (DPC) sa susunod na taon.
Sadyang napakalayo na natin kumpara sa kinalakihang luksong-baka, agawan-base, tumbang-preso, piko, sipa, punumbraso, Chinese garter atbp. Bagama’t hindi na palakasan ang labanan ngayon, nasusukat naman sa talas ng isip kung paano mo didiskartehan ang pag-atake sa mga kalaban. ‘Yung tipong, kahit nakaupo ka lang ay kung saan-saang lugar ka na dinadala ng naggagandahang graphics at kung anu-anong skills na ang iyong nabu-boost.
So, if you’re wondering kung bakit maraming nahuhumaling sa online games, narito ang sagot:
1. NAKAKATANGGAL NG STRESS. Sa oras na in-game ka na ay napupunta na sa laro ang iyong focus, kaya pansamantala mong nakakalimutan ‘yung mga bagay na nakakapagpa-stress sa ‘yo. Kumbaga, dinadala ka ng laro out of this world, kung saan ang tanging goal mo ay mag-level up, ma-accomplish ang mission at madagdagan ng weapons/cosmetics.
2. NATUTUTONG MAG-MULTITASK. ‘Yung tipong, napagsasabay mo ang pagkain habang naglalaro. Pagtsa-charge ng gadgets habang naglalaro. Puwede ka ring magpabuhat sa ‘yong mga kalaro, habang inaatupag ang ibang bagay. Bukod d’yan, bumibilis din ang iyong typing speed dahil unti-unti mong nakakabisado ang bawat letra sa keyboard nang hindi tumitingin. Nagiging keyboard warrior ka, ‘ika nga.
3. NAKAKADAGDAG NG KAALAMAN SA COMPUTER. ‘Yun bang, inaaral mo na magbaklas-kabit ng computer. Gusto mong mag-upgrade nang mag-upgrade hanggang mabuo mo ‘yung gusto mong specs para hindi ka na mag-lag habang naglalaro. Darating sa punto na aaralin mo na rin kung paano ang mag-live streaming gamit ang third party software. Kumbaga, nagiging knowledgeable ka pagdating sa computer hardware and software.
4. LUMALAWAK ANG VOCABULARY. Habang naglalaro ka ay may mga maririnig at mababasa kang unfamiliar words na ru’n mo lang nalaman. Hanggang tumatak na ‘yun sa iyong kokote. Sa paglalaro, may makikilala ka ring international friends na gumagamit ng iba’t ibang lengguwahe at dialect, kaya mapapasubo ka talaga sa Google translate.
5. PUWEDENG MAGKA-DYOWA SA ONLINE GAME. Ito ‘yung may mga tinatawag na ka-duo, ka-run, ka-partner, etc. Siyempre, kapag may nakilala kang solo player, magtsi-tsikahan kayo—tapos mapapadalas ang paglalaro n’yo—hanggang magka-developan. Ang mga gamer pa naman ay may tinatawag na “eye ball”, paminsan-minsan ay nagge-get together sila para ma-meet personally ang kanilang online friends. Idagdag mo pa ‘yung Discord, kung saan hindi na lamang nagagamit bilang server ng laro kundi ginagamit na ring messaging app para makausap privately ‘yung bet niyang player. So, ‘yun na.
6. PUWEDENG KUMITA NG PERA. Mayroon ding trading na nagaganap sa online games, kung saan magpu-purchase ka ng item tapos puwede mo ring ibenta ‘yun sa ibang player. May mga pustahan ding nagaganap sa bawat laro.
Batid nating napakaraming nahuhumaling sa online gaming, gayunman, hindi ito dapat makaadikan dahil napakarami ring negative impact na maaari nitong idulot sa iyo, physically and mentally. That’s why play moderately.
Okie?
Comments