ni Eddie M. Paez Jr. / VA - @Sports | August 14, 2020
Sisimulan ng Team Philippines ang kanilang kampanya sa Division 2 ng kauna-unahang Online Chess Olympiad ngayong araw na ito -Agosto 14.
Nauna nang inumpisahan ang torneo na isinagawa online sa unang pagkakataon dahil sa coronavirus pandemic noong nakaraang buwan sa pamamagitan ng mga serye ng qualifiers.
May limang grupo na may tig-10 teams ang maglalaban-laban para makausad sa Division 1 stage na idaraos sa Agosto 21-23.
Ang Team Philippines ay nasa Pool A na kinabibilangan din ng Indonesia, Germany, Belarus, Belgium, Australia, Bulgaria, Bangladesh, Turkmenistan at Kyrgyzstan.
Ang tatlong mangungunang teams matapos ang 9 na round robin tournament ay susulong sa Top Division kung saan may apat na pools na may tig-10 ring teams. Ang top 3 sa bawat grupo ay uusad sa playoff series na kinatatampukan ng knockout duels.
Nangunguna bilang top 3 ang Russia, China at US hold sa Division 1 na pinamumunuan nina Alexander Grischuk, Ding Liren at Pinoy na si Wesley So ayon sa pagkakasunud-sunod.
Ang mga miyembro naman ng Team Philippines ay sina Grandmasters Mark Paragua, Rogelio Barcenilla, Darwin Laylo at Joey Antonio, Woman GM Janelle Mae Frayna, IM Daniel Quizon, WIMs Jan Jodilyn Fronda, Kylen Joy Mordido, Catherine Secopito at Bernadette Galas, Michael Concio Jr. at Jerlyn Mae San Diego. Ang kauna-unahang Asian Grandmaster na si Eugene Torre ang kanilang team skipper.
Samantala, pamumunuan naman ni Fide Master at world champion Sander Severino ang IPCA (International Physically Disabled Chess Association) na siyang sasalang sa Pool B na kinabibilangan din ng Singapore, Romania, Slovakia, Thailand, Austria, Israel, Latvia, Moldova at Greece.
Comments