top of page
Search
BULGAR

Online application para sa first-time borrowers ng SSS Pension Loan Program (PLP)

@Buti na lang may SSS | June 4, 2023


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay pensyonado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensyonado. Paano ba mag-apply dito? Salamat. — Lolo Jose

SAGOT:

Mabuting araw sa iyo, Lolo Jose!

Totoong may pautang na ibinibigay ang SSS para sa mga retiradong pensyonado o retirement pensioners nito, at ito ang Pension Loan Program (PLP) na binuksan simula pa noong Setyembre 2018. Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng isang pautang na may mas mababang interes.


Batid naman natin sa panahong ito na nasa gitna tayo ng pandemya ay kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal, atbp.


Ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions kung saan mas mababa ang interes at hindi nila kailangang gamiting kolateral ang kanilang ATM cards.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangan na matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:

· Hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

· Walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, gaya ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

· Walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at

· Tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang (1) buwan.

· Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Hunyo, ang simula ng inyong pagbabayad ay sa Agosto pa.

Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinapahiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran n'yo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensyon, maaari n'yo itong bayaran sa loob ng 12 buwan, Lolo Jose. Kung ang nahiram n'yong pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari n'yo itong bayaran ng hanggang 24 buwan o sa loob ng dalawang taon.


Online na rin ang pag-file ng application sa PLP maging kayo man ay first-time borrower o magre-renew ng pension loan. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihingi rin namin ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para dito.

Mag-log in kayo sa inyong My.SSS account at magtungo kayo sa SERVICES tab kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.” I-click ninyo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”


Maaari naman n’yong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement at makatatanggap na kayo ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon. Papasok naman ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card maghintay lamang limang working days.

***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.



 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page