top of page
Search
BULGAR

Online na ang SSS Sickness Benefit Reimbursement Application (SBRA)

@Buti na lang may SSS | June 13, 2021


Dear SSS,


Ako ay empleyado sa kumpanya sa Taguig. Nabalitaan ko na may bagong patakaran ang SSS sa pagbabayad ng sickness benefit reimbursement para sa mga employer. Totoo ba ito at ano ang mga kailangan kong gawin? – Sonny


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Sonny!


Para sa kaalaman ng lahat, ang SSS Sickness Benefit o benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya nakapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan. Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, ang benepisyong ito ay pinapaunang bayaran ng employer batay sa bilang ng araw at halaga ng aprubadong sickness benefit ng kanyang empleyado. Samantala, ang employer naman ang babayaran ng SSS matapos maisumite nito ang SSS Sickness Benefit Reimbursement Application (SBRA) Form.


Dati, kinakailangang magpunta ang employer o awtorisadong kinatawan nito sa pinakamalapit na sangay ng SSS upang isumite ang SBRA nito. Sa kasalukuyang krisis pangkalusugan na ating kinahaharap, sinikap ng SSS na gawing simple, maayos at mabilis ang pagpa-file ng SBRA.

Mula noong Hulyo 2020 ay ipinatupad ng SSS ang online filing ng SBRA sa pamamagitan ng My.SSS web portal na matatagpuan sa website (www.sss.gov.ph).


Sa pamamagitan ng My.SSS, maaaring mag-file ang mga employer ng kanilang sickness benefit reimbursement claims kahit sila ay nasa bahay o opisina lamang. Makatutulong din ito upang maingatan ang mga employer at miyembro sa lumalaganap na pandemya.


Para magamit ang online facility na ito, dapat rehistrado ka sa My.SSS account. Kung wala pa, magtungo sa SSS website at i-click ang “EMPLOYER.” Matapos nito, may makikitang “Not yet registered in My.SSS?” I-click mo ang “Regular Employer” o ang “Household Employer” kung alinman ang kategorya mo, Sonny bilang employer.


Kinakailangan ding enrolled ang iyong bank account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) at mayroong aprubadong sickness notification ng iyong empleyado na nag-claim ng sickness benefit. Dagdag pa dito, dapat mayroon kang sertipikasyon na pinanghahawakan bilang patunay na paunang nabayaran mo ang sickness benefit ng iyong empleyado.


Upang isumite ang iyong SBRA, mag-log in ka sa iyong My.SSS account. Sunod, magtungo ka sa E-Services tab at i-click ang “Submit SS Sickness Benefit Reimbursement Application (SBRA).” Dapat mong ipasok ang SS number ng iyong empleyado na nag-claim ng sickness benefit. Matapos nito, lilitaw ang listahan ng aprubadong SSS sickness notifications. Piliin dito ang tamang claim reference number at i-click ang proceed.


Lilitaw din ang form tungkol sa karagdagang impormasyon na dapat mong punuan. Sunod, markahan mo ang certification checkbox upang sertipikahan na tama ang inilagay mong impormasyon maging ang halaga ng benepisyo, at i-click mo ang submit at sunod ang OK.


Kapag naisumite mo na, Sonny, may makikita kang mensahe na submitted successfully ang iyong aplikasyon. Makikita mo rin ang detalye ng iyong transaksyon at magpapadala naman ng notipikasyon ang SSS sa rehistrado mong e-mail address.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page