ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 26, 2021
Hanggang ngayon, marami pa ring hassle sa target na pagtatayo ng Department of Overseas Filipinos o DOFIL. Unang-unang ay nakaaabala ang isyu ng teritoryo sa mga ahensiya ng gobyerno.
Tayong nasa Senado, willing i-push ang sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte na DOFIL. Para kasi ‘yan sa ating mga kababayang OFWs, kaya go tayo!
Saka bilang konsiderasyon sa mga hinaing ng ating mga OFW, suportado nating lahat sa Senado ang DOFIL. Kailangan nila ng one-stop shop na pupuntahan at hindi ‘yung paikut-ikot sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa kanilang hinihinging tulong.
Pero, ano magagawa natin kung nag-aaway-away sa teritoryo ng mandato at badyet ang mga ahensiya ng gobyerno? Ayaw pa rin kasing bitawan ng kasalukuyang mga departamento, tulad ng DOLE, DFA, at DSWD ang mga ilan sa kanilang mga nakakabit na ahensiya.
Ang hindi nila nakikita, kapag na-consolidate o pinagsama-sama na ang mga ahensiyang ‘yan, tiyak na menos-gastos na ang gobyerno, magagamit pa sa pondo para mailikas ang mga OFWs na gusto nang makauwi sa ating bansa.
‘Yun nga lang, paano tayo uusad niyan, kung ang ahensiya ng gobyerno, eh, ayaw bitawan ang mga attached agencies nila na tulad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), at Labor Affairs Bureau sa ilalim ng DOLE; Office of Migrant Workers’ Affairs and Commission on Filipinos Overseas sa ilalim ng DFA; International Social Services Office sa ilalim ng DSWD; at ang Office of Muslim Affairs sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo.
Kung hindi mawawakasan ang aberyang ‘yan, walang kahihinatnan ang DOFIL. Pero habang ganyan kagulo, IMEEsolusyon dito ang palawakin na lang ang POEA bilang National Overseas Employment Authority (NOEA) na mas matipid pa.
Lalo na’t nahaharap tayo sa marami pang problemang pampinansiyal kapag nagpatuloy pa itong mga dagok ng pandemya sa ating bansa. Aba, push na muna natin ang NOEA. Kaysa naman itodo na natin dito ang lahat sa nagkakagulo pang pag-apruba sa DOFIL.
Comments