ni MC @Sports News | Feb. 1, 2025
Photo: Umatake ng matinding spike si Carlo Laforteza ng Lingayen laban sa defenders na sina Vinmark Canoy at Anthony Munez ng ONE Silay sa laban nilang ito sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division sa Ninoy Aquino Stadium. (pnvfpix)
Pormal nang pumasok ang One Silay sa semifinals nang talunin ang Lingayen sa isang makapigil-hiningang five-setter win, 21-25, 20-25, 25-17, 25-13, 15-12 kahapon sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division sa Ninoy Aquino Stadium.
Makaraan ang mga pagkatalo sa opening at second set, sinikap ng volleyball players mula sa Negros Occidental na doblehin ang gawing pag-atake at higpitan pa ang kanilang depensa sa huling tatlong sets para umiskor ng kumpletong pagbawi sa Group A.
Tinapos ng One Silay ang preliminary round sa bisa ng 2-1 win-loss record sa torneo na suportado ng Akari, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Cignal, OneSports, OneSports+ at Pilipinas Live. Ang Lingayen sa kabilang banda na tumalo sa Volleyball Never Stop (VNS), 25-21, 20-25, 25-23, 25-23 ay tinapos ang preliminary round sa 1-2 record.
Ang tanging pagkatalo ng One Silay ay mula sa mga kamay ng top team ng Mindanao na Zamboanga City, 22-25, 21-25, 21-25 noong Huwebes. Ang Zamboanga City na kasalukuyang undefeated sa dalawang laro ay tiyak na rin sa kanilang silya sa semifinals.
Kuwalipikado na rin ang University of the East (UE), sa semifinal spot at wala ring talo sa Group B hawak ang 2-0 slate sa torneo na inorganisa ni PNVF President Ramon “Tats” Suzara, na siya ring Asian Volleyball Confederation (AVC) president at FIVB executive vice president.
Ang classification phase (No. 5 to ay nakatakdang idaos ang laro ngayong Sabado simula ng 9 a.m., at 11:30 a.m. bago ang semifinal matches ng 2 p.m. at 4:30 p.m.
Comentarios