ni Lolet Abania | December 27, 2021
Nakapagtala ang bansa ng dagdag na Omicron variant case, kaya nasa apat na ang kabuuang kaso ng nasabing virus.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang ikaapat na kaso ay isang 38-anyos na babae mula sa United States na dumating sa Ninoy Aquino International Airport nitong Disyembre 10 via Philippine Airlines PR 127.
“She was quarantined upon arrival,” ani Vergeire sa isang media forum ngayong Lunes.
Ang pasyente ay nakaramdam ng throat itchiness at sipon nitong Disyembre 13.
Agad namang dinala sa isolation facility ang pasyente matapos na magpositibo sa test nitong Disyembre 15.
“She was discharged after a 10-day isolation on December 24. She remains to be asymptomatic as of this time,” sabi ni Vergeire.
Ayon sa DOH, ang positive result para sa Omicron variant ng nasabing traveler ay lumabas nitong Disyembre 25.
“Kasi ‘yung detection ng Omicron dito, ‘yung detection natin sa sequencing for this fourth case ng Omicron came after when the individual was discharged already,” paliwanag ng opisyal.
“Alam natin na kapag wala ka naman variant of concern, you follow the existing protocol that we have. So nagkaroon siya ng 10 days na isolation,” dagdag ni Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na kasalukuyang isinailalim sa home quarantine ang traveler at patuloy na mino-monitor. Nakatakda naman siya para i-retest sa Martes.
Samantala, ayon kay Vergeire nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa Bureau of Quarantine at sa Department of Transportation hinggil sa flight manifest para sa contact tracing.
“Rest assured na lahat naman po ng dumarating, kapag dumating po sila, for example the US, a yellow country, they are all quarantined for five days, tested on the fifth day, once negative, they are sent home but they have to do home quarantine until the 14th day,” saad ng kalihim.
Kaugnay nito, binanggit ni Vergeire na ang mga naging close contacts ng mga Omicron variant cases ay wala pang naire-report na COVID-19 symptoms.
“We are still verifying the other two passengers and lahat naman po ito ay naka-isolate or naka-quarantine pa din po and they are being monitored,” wika ni Vergeire.
Ayon kay Vergeire, may kabuuang 115 bansa sa ngayon ang naka-detect ng Omicron variant, kung saan 51 ang kumpirmado o suspected local transmission.
Comments