ni Lolet Abania | April 29, 2022
Iniulat ng Philippine Genome Center (PGC) na ang pinaka-dominant o nangungunang COVID-19 variant sa ngayon sa bansa ay ang Omicron.
“Masyadong mababa ang ating mga kaso kaya konti rin po ang mga samples na sinu-submit sa amin sa PGC. Starting po ng end ng December 2021 up to the present the most dominant variant in the Philippines is not Delta, it is already Omicron,” ani PGC executive director Dr. Cynthia Saloma sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.
Ayon kay Saloma, mula sa mga Omicron variants, ang pinakamaraming bilang ng mga kaso na na-detect ay ang BA.2.3 Omicron sublineage, base ito sa resulta ng latest sequencing na kanilang ginawa.
“Among the Omicron variants ang pinakamarami po talaga sa ating bansa ay itong BA.2.3. Ito pong BA.2.3 po sa ating latest sequencing results for the months of March at saka April siya po ‘yung mga 95% of our sequenced cases are in the BA.2.3 sublineage po,” paliwanag ni Saloma.
Batay sa mga reports, ang Omicron BA.2.3 strain ay nabatid na kumakalat na sa ibang mga bansa kabilang na ang Denmark, Japan, at China.
Sinabi naman ni Saloma na kakaunti na lamang ang Delta cases na na-detect sa pagitan ng Marso at Abril.
“From time to time nakikita pa rin po namin may mga pa-ilan-ilang mga Delta sequences sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. But these are very, very minor if I remember correctly between March and April we only detected about four cases in the Southern Philippines,” saad ni Saloma.
Una nang inanunsiyo ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na na-detect ng health authorities ang unang kaso ng Omicron BA.2.12 sa Baguio City.
Ang bagong sublineage BA.2.12 ay na-detect mula sa isang 52-anyos na babaeng Finnish national na dumating sa bansa mula Finland noong Abril 2.
Base sa kasalukuyang contact tracing, ang pasyente ay nagkaroon ng 44 close contacts kabilang na iyong nasa Quezon City, 5 sa Benguet, at 30 indibidwal na nakasama niya sa eroplanong sinakyan patungo sa Manila.
Comments