ni MC @Sports News | Jan. 9, 2025
Photo: Mula ngayong Enero 2025 hindi magpapahinga ang buong miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC) Executive Board members na sina Atty. Wharton Chan, Dr. Jose Raul Canlas, Alvin Aguilar, Donaldo Caringal, Alexander Sulit, Ferdinand Agustin and Jessie Lacuna, Leah Gonzales, Al Panlilio, Mikee Cojuangco-Jaworski at Leonora Escollante sa pamumuno ni POC prexy Abraham “Bambol” Tolentino dahil sa sunud-sunod na international competition na lalahukan ng national athletes. (pocpix)
Inisa-isa na ni Philippine Olypic Committee (POC) president Abraham "Bambol" Tolentino ang mga aatupaging trabaho para sa mga nalalapit na kompetisyon na unang nakatakda ang Harbin Winter Games sa Pebrero hanggang sa Chengdu sa Agosto at Bahrain sa Oktubre bago ang pinal na SEA Games sa Thailand sa Disyembre.
“It’s a busy year marked with major international competitions,” ayon kay Tolentino na pinakaabalang taon ito para sa mga atleta matapos pulungin ang bagong Executive Board sa unang major POC function sa Makati City kahapon.
Sasabak sa bungad ng 2025 ang Ninth Asian Winter Games sa Harbin, China sa Peb. 7 -14, 12th World Games sa Chengdu at sa China mula August 7 -17, ang Third Asian Youth Olympics Games mula Okt. 22 -31 sa Bahrain at ang 33rd Southeast Asian Games sa Chonburi, Songkhla at Thailand mula Dis. 9 -20.
“We’re aiming to send as many capable and qualified athletes as possible to these games and we’re targeting the best possible results,” dagdag ni Tolentino, kung saan ang Harbin Games ang magbibigay-lakas para sa kampanya sa first Winter Olympics medal.
Naroon sa pulong sina first vice president Al Panlilio (basketball), treasurer Dr. Jose Raul Canlas (surfing) at auditor Donaldo Caringal (volleyball) at board members Leonora Escollante (canoe-kayak), Alvin Aguilar (wrestling), Ferdinand Agustin (jiu-jitsu,), Alexander Sulit (judo), Leah Gonzales (fencing) at Jessie Lacuna (Athletes Commission).
Dumalo rin sina International Olympic Committee Representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski habang di nakadalo si vice president Richard Gomez (modern pentathlon) na hindi nakabiyahe mula Ormoc City kaya muling idaraos ang POC first General Assembly sa susunod na linggo.
Ang Asian Indoor and Martial Arts Games, ayon kay Tolentino na kagagaling lang mula sa trangkaso ay iniskedyul ng early 2026 ng host Riyadh. Bago ang pulong, nanalangin muna ang board para sa kaluluwa ni dating secretary-general Atty. Edwin Gastanes na namayapa nitong nakaraang buwan.