ni ATD - @Sports | April 25, 2021
Binati ni 2016 Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz si Pinay weightlifter Vanessa Sarno dahil sa tagumpay nito sa nagaganap na Asian Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Bumilib naman ang coach ni Diaz na si Julius Naranjo kay 2019 Asian juniors champion Sarno nang ikuwintas nito ang 2 gold medal at isang silver sa women’s 71-kilogram division.
Inangat ni 17-year-old Sarno ang 128kg sa clean and jerk at total lift na 229kg sapat para ikahon ang dalawang gold medal habang silver ito sa snatch sa itinalang 101kg.
Inaalam pa kung kasama ang weight division ni Sarno sa events na nakasalang 2021 Tokyo Olympics.
Sa ngayon tanging si Diaz, 30, ang lifter na pambato ng Pilipinas sa nasabing quadrennial meet na ikakasa sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
Posibleng makakuha ng ticket sa Olympics si Elreen Ann Ando na sumikwat ng dalawang silver medals at isang bronze sa women’s 64 kilograms division, kailangan muna kuwentahin ang anim na sinalihan nitong tournaments bago magdesisyon ang International Weightlifting Federation (IWF).
Si Diaz ang unang lifter na nakapasok sa 2021 summer games na gaganapin sa Tokyo, Japan.
Bukod kay Diaz ang ibang sasabak sa Olympic Games ay sina gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
留言