ni Anthony E. Servinio @Sports | March 29, 2023
Perpekto pa rin sa kanilang ika-limang sunod na panalo ang Olivarez College Sea Lions para sa solong liderato ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Seniors Basketball Tournament matapos idagdag sa listahan ang bisita Lyceum of the Philippines University-Laguna Pirates, 85-57, Lunes sa Pablo R. Olivarez Coliseum sa Paranaque City. Kinailangan naman ng Philippine Merchant Marine School ang overtime upang masugpo ang palaban na St. Dominic College of Asia, 86-84.
Sa simula pa lang ay bumanat agad ang Olivarez, 8-0, at hindi nakatikim ng lamang o tabla ang Pirates at ang huling talaan ay siya ring pinakamalaking agwat na 28 puntos.
Balanse ang atake ng Sea Lions sa pangunguna ni Best Player John Anthony Umali na may 13 puntos sa loob ng 11 minuto lang sa sahig.
Sumandal ang PMMS sa three-points ni Best Player Dender Derequito upang wasakin ang huling tabla ng laro at umabante papasok sa last two minutes ng overtime, 85-82.
Kahit naka-shoot si Didoy Proel ng SDCA, 84-85, walang kabang ipinasok ni Mariner Vince Salonga ang isang free throw na may 11 segundong nalalabi at matapos ang timeout ay nagmintis ang mga malapitang tira nina Shan Azurin at Sam Domingo ng Pikemen na magtatakda sana ng pangalawang overtime.
Nakamit din ng De La Salle University-Dasmarinas Patriots ang kanilang unang tagumpay sa torneo at binigo ang kapitbahay na Emilio Aguinaldo College-Cavite Vanguard, 88-72. Nagtala si Best Player Paul delos Santos ng 12 puntos, 11 rebound at anim na agaw at maputol ang dalawang magkasunod na pagkabigo.
Sa Women’s Division, nagpakilala ng mabuti ang mga baguhan ng Bestlink College of the Philippines Lady Kalasag at itinapal ang ikalawang sunod na talo sa EAC-Cavite Lady Vanguard, 63-48.
Comments