top of page
Search

Oks na ipatigil na ang paggamit ng face shield

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 19, 2021



Walang pagsidlan ang nararamdaman nating pasasalamat matapos ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil na ang paggamit ng face shield maliban sa mga nais na pumasok ng ospital.


Sulit na sulit ang pagpunta natin sa Palasyo ng Malakanyang kasama ang si Senate President Vicente Sotto, III at ilanga senador at kongresista noong Hunyo 16, kung saan nagkataong ipinahayag ng Pangulo ang kanyang desisyon. Matagal na tayong nananawagan na dapat nang ipatigil ang paggamit ng face shield at pinakinggan naman tayo.


Ilang ulit na kasi tayong nagbigay-pahayag na huwag nang i-require ang publiko sa pagsusuot ng face shield maliban na lamang kung hinihingi ng pagkakataon tulad nga sa mga ospital at para sa mga in-facility frontliners na talagang kailangan ito.


Kahapon ay isiniwalat na ni Sen. Sotto ang naging pahayag ng Presidente at ang intensiyon nitong utusan ang Department of Health (DOH) na agarang ipatupad ang pagpapatigil nang pagsusuot ng face shield, na siya naman kinumpirma ninPresidential Spokesman Harry Roque.


Nakatanggap agad tayo ng napakaraming text messages na nagpapahayag ng kanilang pasasalamat dahil dininig ng Pangulo ang kahilingan ng napakarami nating kababayan na hindi mapigilan ang pagdaing dahil sa sakripisyong kanilang dinaranas sa paggamit ng face shield.


Alam naman ng ating mga tagasubaybay na mismong sa pitak na ‘to ay tinalakay ang hinaing ng ating mga kababayan na ayaw nang gumamit ng face shield kaya isa ang inyong lingkod sa unang-unang natuwa dahil hindi nasayang ang pagpupuyat sa pagsulat ng artikulo hinggil dito.


Palakas na kasi nang palakas ang dumarating na reklamo tungkol sa sapilitang pagpapasuot ng face shield sa kabila ng napakarami nating kababayan ang naghihigpit na ng sinturon dahil sa kasalukyang pandemya.


Marami ang nawalan ng hanapbuhay at marami rin ang literal na namamalimos na para maitawid lang ang maghapon tapos imbes na isusubo na lamang ay ibibili pa ng face shield para lamang makasunod sa pinaiiral na health protocol.


Ang masakit pa, natuklasan nating baka wala naman palang magandang dulot ang pagsusuot ng face shield na ito sa pagpigil ng community transmission ng COVID-19 at katunayan sa napakaraming bansa sa buong mundo ay tanging ang bansa lamang natin ang gumagamit nito.


Bukod sa karagdagang gastos ay marami tayong kakilala sa ibang bansa ang nagpapadala ng mga negatibong komento hinggil dito at ang iba naman ay tahasang pinagtatawanan ang ating mga kababayan dahil sa paggamit ng face shield.


Pero siyempre, hindi naman puwedeng basta-basta na lamang tayo magpapadala sa mga negatibong komento at kuwentuhang wala namang basehan kaya iilang ulit tayong nakipag-ugnayan sa ilang eksperto hinggil dito.


Sa katunayan, ilang doktor ang ating nakaugnayan na nagpahayag ng kanilang agam-agam sa positibong kontribusyon sa paggamit ng face shield laban sa community transmission ng COVID-19.


Marami sa mga ito ang nagpahayag na wala umanong matibay na ebidensiya tungkol dito, at sa kabaliktaran ay maaari pa nga umano itong magdulot ng problema dahil sa epekto nito sa tamang bentelasyon at paghinga.


Nakakataba lang ng puso dahil sa lahat ng ating ipinunto para matigil na ang paggamit ng face shield ay siya ring dahilan ng Pangulo kung bakit dapat nang itigil ang paggamit ng face shield.


Base sa pahayag ng Pangulo, tanging sa mga ospital na lamang dapat ipatupad ang pagsusuot ng face shield, maging hospital worker o hindi na papasok sa ospital ay obligado pa rin na magsuot nito at maliban doon ay wala nang ibang lugar o establisimyentong binanggit pa para gamitin ang face shield.


Hindi lamang sa pitak natin hinimay ang mga karaingan ng maraming nating kababayan hinggil sa dapat nang ipatigil ang pagsusuot ng face shield dahil nitong nakaraang pagdinig sa Senado ay muli natin itong binanggit bago bumitiw sa pagtatanong.


Sa isinagawang pagdinig ng Committee of the Whole ay nagkaroon tayo ng pagkakataong tanungin ang mga representante ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) at muli nating binuksan ang problemang ito sa face shield.


Tulad ng dapat asahan ay mariin pa rin itong ipinagtanggol ng mga repesentante ng IATF-EID at kabilang sa kanilang depensa ay ang doble umanong dulot nito para sa kaligtasan ng bawat-isa na hindi mahawa sa COVID-19.


Pero ngayong nagbigay na ng pahayag ang Pangulo ng bansa ay parang nabunutan na ng tinik ang marami sa ating mga kababayan na walang tigil sa pagpapaabot sa atin ng reklamo hinggil sa dusang dinaranas nila sa pagsusuot ng face shield.


Sa puntong ito ay makikita natin kung gaano kasensitibo ang ating Pangulo sa hinaing ng bawat Pilipino at patunay lamang ito na nasa puso’t isip niya ang kapakanan at ikabubuti ng lahat.


Ngayon ay mas maluwag at mas maaliwalas na tayong makagagalaw ngunit huwag tayong aabuso dahil dapat pa rin nating sundin ang pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng mga kamay at pagsunod sa physical distancing, dahil kung hindi ay tiyak na maglalaho ang ating buhay!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page