ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | October 21, 2021

Labis na nasasaktan si Vice-Presidentiable Lito Atienza sa mga pang-aatakeng ginagawa ngayon sa kanyang running mate na si Sen. Manny Pacquiao.
Kuwento ni Buhay Partylist Representative Atienza kahapon sa tsikahan with the entertainment press, halos mangiyak-ngiyak nga raw si Pacman sa kanya dahil mismong kaibigan pa nito na si Jayke Joson ang naninira sa kanya.
“Kagabi, halos maiyak si Manny sa akin. Sabi niya, ‘Alam mo, Vice, ang hirap talagang humanap ng tamang kaibigan,’” kuwento ni Cong. Lito.
Kaya nga sobrang natuwa naman daw siya na sa dinami-dami ng nakapaligid kay Pacman ay siya ang napili nitong maging running mate.
“Natutuwa ako na ako ang pinili niya among the many potential vice-presidents that he can run with. I tried to refuse. I tried my best. And I prayed hard that night,” pahayag ni Cong. Atienza.
Pa-retire na nga raw sana siya sa pulitika at wala na siyang balak tumakbo. Nakatakda nga raw silang magbakasyon na sa ibang bansa ng kanyang misis. Pero nabago na nga raw lahat dahil sa panibagong hamon na ito sa kanyang buhay.
When asked kung ano ang participation ni Jinkee Pacquiao sa kandidatura ni Pacman, ani Cong. Lito, “Simpleng maybahay na nagmamahal at alam ko namang mahal na mahal ni Jinkee si Manny at alam ko ring mahal na mahal ni Manny si Jinkee.”
Aniya pa ay napag-usapan nga raw nila ang nangyayari ngayong pambabatikos kay Jinkee dahil sa mga ipino-post na mamahaling damit at alahas.
“Sabi niya, ‘Si Jinkee, tumaya sa akin ‘yan. Walang-wala ako nang pinakasalan niya ako. I was earning 2,000 pesos a bout, P30,000, mga ganyan. Pinakasalan niya ako,’” kuwento ni Cong. Lito sa naging pag-uusap nila ni Pacman.
Kaya ngayong marami na raw pera si Sen. Manny ay gusto naman niyang mag-enjoy ang asawa.
“'Pag binigyan ko siya ng pera, gusto ko talaga, gastusin niya sa kaligayahan niya,” ang sabi raw ni Pacman.
Ganu’n din naman daw si Cong. Lito sa misis niya na ikinatutuwa rin niya 'pag maligaya ito.
Natanong din si Cong. Lito tungkol sa paglipat ng anak niyang si Kim Atienza at aniya ay napag-usapan naman daw nila itong mag-ama.
Naintindihan naman daw niya ang desisyon ng anak na tumanggap ng ibang oportunidad sa labas ng ABS-CBN matapos ang sinapit ng network. Ibinigay daw ni Kuya Kim ang lahat ng magagawang suporta sa Kapamilya at hindi naman daw ito kumalas sa gitna ng digmaan.
Pero wala na raw pupuntahan ang career nito bilang media man kaya naman nagdesisyon na itong tanggapin ang offer ng GMA-7.
“Kung si Kim, umalis sa kalagitnaan o sa umpisa ng giyera, ang tawag diyan, deserter. Pero hindi, lumaban si Kim,” saad ni Cong. Lito.
Nangako rin ang vice-presidentiable na susuportahan nila ni Pacman ang movie and entertainment industry kung sila ang mananalo sa 2022 elections.
Samantala, dumalo rin sa mediacon ang bagong Buhay Partylist candidate na si Von Valdepenas na siyang papalit sa iiwang posisyon ni Cong. Lito.
Comentarios