top of page
Search
BULGAR

Oks ang green tea at green tea extract para sa mga gustong pumayat!

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 02, 2021




Dear Doc Erwin,


Nabasa ko ang inyong mga artikulo tungkol sa health benefits ng intermittent fasting at ang pag-inom ng green tea habang nagpa-fasting. Maaari bang malaman kung makatutulong ang green tea o green tea extract sa pagpayat? Mayroon bang adverse effects ang pag-inom nito? – Helen A.


Sagot


Maraming health benefits ang pag-inom ng green tea o health supplement na green tea extract, ngunit sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang maaaring epekto nito sa pagpayat o weight loss.


Ang green tea ay naglalaman ng caffeine at cathecins na tinatawag na epigallocathecin gallate (EGCG). Ang isang tasang green tea ay naglalaman ng 240 hanggang 320 milligrams ng cathecins at 45 milligrams ng caffeine. Ang EGCG at caffeine ay magkasamang makatutulong sa pagpayat sa pamamagitan ng pagpapabilis ng body metabolism, pagbawas ng pagbuo ng fat sa ating katawan, at pagbawas din ng absorption ng fat mula sa intestines.


Sa review study ng 14 randomized controlled trials ay pinag-aralan ang epekto ng green tea sa timbang ng 1,562 na overweight at obese na participants. Pagkatapos ng 12 hanggang 13 linggo ay bumaba ng halos isang kilo ang timbang ng mga uminom nito kaysa sa mga hindi uminom.


May side-effects bang mararanasan kung iinom ng green tea at green tea extract?


Ayon sa ilang scientific literature na binanggit ng Office of Dietary Supplements ng National Institutes of Health ng Amerika, walang adverse effects na mararanasan kung iinom ng green tea bilang tsaa. Sa mga iinom naman ng green tea extract, maaaring makaranas ng mild hanggang moderate adverse effects, tulad ng constipation, abdominal discomfort at pagtaas ng blood pressure. Maaari ring tumaas ang liver enzymes kung iinom ng green tea extract ng higit sa recommended dose. Mas makabubuti kung sasangguni sa doktor kung ano ang tamang dose nito.


Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page