ni Anthony E. Servinio @Sports | March 25, 2023
Hinilo ng Cleveland Cavaliers ang Brooklyn Nets sa huling 24 segundo para sa 116-114 panalo sa NBA kahapon sa Barclays Center. Ipinukol ni Isaac Okoro ang nagpapanalong tres na ay 1.3 segundong nalalabi at isang panalo na lang ang kailangan ng Cavs upang makapasok sa playoffs sa susunod na buwan.
Lamang ang Nets, 114-110, at naka-shoot si Donovan Mitchell para lumapit, 112-114.
Inagaw ni Caris LeVert ang bola at nabigyan ng foul si Mitchell na ipinasok ang una at minintis ang pangalawa subalit nakuha ng Cavs ang rebound hanggang mapunta kay Okoro ang bola para gumawa ng milagro.
Nanguna si Mitchell na may 31 puntos at double-double si Evan Mobley na 26 puntos at 16 rebound. Umakyat ang Cleveland sa 47-28 at pang-apat sa Eastern Conference.
Pansamantalang dumaan sa lubak ang daan ng New York Knicks patungong playoffs at nagwagi sa kanila ang Orlando Magic, 111-106. Nagtala ng 21 puntos si numero unong rookie Paolo Banchero habang lima niyang kakampi ay nag-ambag ng 10 o higit na puntos.
Pumulot ng mahalagang tagumpay ang New Orleans Pelicans sa kulelat na Charlotte Hornets, 115-96. Naabot ni Brandon Ingram ang kanyang unang triple double na 30 puntos, 11 rebound at 10 assist.
Bumida sa opensa si Kawhi Leonard at sinamahan ito ng depensa at binigo ng LA Clippers ang Oklahoma City Thunder, 127-105. Ginawa ni Leonard ang 32 puntos sa 34 minuto at sinamahan ng anim na rebound at apat na agaw para itulak ang Clippers sa 39-25 at pang-lima sa Western Conference.
Comentários