ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 14, 2021
Alam n’yo bang ayon sa mga siyentipiko, malaki ang naitutulong ng essential oils sa katawan at isipan? Ito iyong mga extracts o katas buhat sa buto, talulot ng bulaklak, dahon o prutas na kapag naamoy o nagpahid sa katawan ay naiiwasan ang sakit, pumapatay ng mikrobyo, nagpapakalma at gumaganda ang mood ng tao.
KUNG MASAKIT ANG ULO. Mabisa riyan ang lavender oil, nakapagpaparelaks at nagpapaalis ng sakit ng ulo – kahit migraine tanggal! Ang taglay na linalool at lavanduly acetate nito ay napatunayan nang nagpapakalma. Nilalabanan ang nai-stress at natetensiyong masel at mga ugat dahilan kaya sumasakit ang ulo. Subukan: Magpatak ng lavender oil sa cottonball at amuy-amuyin kapag masakit ang ulo.
KAPAG DI MAKA-CONCENTRATE. Mainam ang peppermint oil para madali kang umalerto at makapag-concentrate! Kahit ang mga atleta habang nasa treadmill na lumalanghap ng peppermint oil ay higit na lumalakas. Ang amoy ng peppermint oils ang nagpapakilos sa parte ng utak na responsable sa pagkaalerto. Subukan: Magpatak ng peppermint oil sa bulak at amuy-amuyin habang pagod o habang nage-exercise.
KUNG NAG-AALALA KA. Ilang-ilang oil ang sagot diyan. Ang amoy ng ilang-ilang ay nagpapababa ng blood pressure. Higit na nakare-relaks, sumasaya ang isang nalulungkot kapag nakaamoy nito. Subukan: Magpatak sa cotton ball at langhap-langhapin kapag sobra kang nag-aalala.
KAPAG BARADO ANG ILONG SA SIPON SANHI NG ALLERGY. Swak diyan ang amoy ng eucalyptus oil. Pinaluluwag ng extract na ito ang nasal at bronchial passages natin at ang mucus, pampatanggal din ng pamamaos, nababawasan ang plema at mabisang decongestants. Kaya ito rin ang pangunahing sangkap sa mga over-the-counter cold and cough medicines. Napatunayang nakatutulong sa asthma at sinusitis. Subukan: Maglagay ng ilang patak ng eucalyptus oil sa isang kalderong kumukulong tubig at ang usok nito ang siyang singhut-singhutin sa loob ng ilang minuto.
PAANO KUNG BAD MOOD? Kaya kang pangitiin ng chamomile oil. Kung ang chamomile tea ay nakarerelaks. Ang aroma at chemical compounds ng essential oil na ito ay nagpapaganda ng mood. Pinabababa ang stress hormones at inilalabas ang serotonin (pampakalma) sa utak. Subukan: Maglagay ng 5 patak ng chamomile oil sa maligamgam na pampaligo. Ang amoy nito ay nakapagpapakalma. Papasok sa balat ang chemical compound nito at tiyak agad kang marerelaks. TIP: Ang essential oils ay mabibili sa health food stores at sa ilang malalaking grocery stores.
Comments