ni Lolet Abania | June 16, 2022
Isang fuel tanker na may kargang 20,000 liters ng gasoline products na nagkakahalaga ng P1.5 million ang na-hijack sa Sariaya, Quezon, nitong madaling-araw ng Miyerkules, Hunyo 15.
Batay sa impormasyon mula kay Quezon Provincial Police Office Director Police Colonel Joel Villanueva, natukoy ang mga suspek na sina Vincent Reyes at Philip Magtanggol.
Naaresto ng mga awtoridad si Reyes sa tulong ng kanyang cellphone na naiwan niya sa loob ng truck, habang si Magtanggol at dalawa pang hindi nakilalang suspek ay nakatakas.
Ayon kay Villanueva, ang oil tanker truck na pag-aari ng 4M Transport and Sales Corporation ay patungong Lucena City, Batangas na nagmula sa Azora Depot sa Barangay Castanas nang mangyari ang insidente.
Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang drayber ng truck, bago itinali at piniringan ang mga mata nito, saka iniwan sa gilid ng kalsada.
Nang makaalis na ang truck, nagkaroon ng pagkakataon ang biktimang drayber na makahingi ng tulong mula sa nagpapatrulyang mga pulis. Ang fuel tanker ay narekober sa Barangay Manggalang-Bantilan sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.
Commentaires