ni Mylene Alfonso | April 14, 2023
Inanunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG) na kontrolado na ang oil spill sa Oriental Mindoro na dulot nang lumubog na barkong MT Princess Empress.
Ito ang inihayag ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu sa kanyang pagharap sa isinagawang pulong sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa update ng oil spill.
Sinabi ni Abu na mula sa naunang 23 tagas na nakita ng remotely operated vehicle (ROV) ay 11 tagas na lang ito ngayon at anim ang sumailalim sa ‘bagging operations’ o sinasakluban ng supot ang tagas na siyang sasalo sa sumisirit na langis.
Ipinaliwanag ni Abu na ang apat ay hindi na nilagyan ng bag, dahil bagama’t may tagas pa rin ay wala na aniyang lumalabas na langis, habang ang isa pa ay hindi na nilagyan ng bag dahil hindi magawa ang bagging operations at ‘very slow intermittent leakage’ lamang ito.
Dahil dito, iginiit ni Abu na nakontrol na ang leakage mula sa MT Princess Empress.
“So ibig sabihin we have significantly controlled the leakages from the distressed vessel,” ayon kay Abu.
Pero tiniyak ng opisyal na tuluy-tuloy pa rin ang PCG, mga lokal na pamahalaan at kaukulang mga ahensya sa kanilang mga clean-up operations at preventive measures upang hindi kumalat ang tumagas na langis.
Samantala, umapela naman ang mga mangingisda na payagan na silang pumalaot.
Comments