ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 03, 2023
Nakatakdang magpatawag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong araw, Oktubre 3, ng isa pang pagdinig hinggil sa nakabinbing fare hike petition na inihain ng mga transport group.
Ito ay makaraang hindi pa rin madesisyunan kung aaprubahan ba ang hirit na dagdag-pasahe sa pampasaherong jeepney makaraang magsagawa rin ng pagdinig noong nakaraang Agosto 28 na pinangunahan din ng LTFRB.
Ayon sa LTFRB, kailangan pang magsumite ng mga transport group ng supplemental petition, upang mapalawig sa buong bansa ang hinihiling na fare hike bago pa muling magpatawag ng panibagong hearing na itinakda ngayong araw.
Malaki naman umano ang tsansa na maaprubahan ang hinihinging P1 provisional fare, o pansamantalang dagdag-pasahe habang mataas pa ang presyo ng diesel, ayon mismo sa LTFRB.
Kung sakaling maaprubahan ay magiging P13 na ang minimum na pamasahe sa mga tradisyunal na jeep mula sa kasalukuyang P12, habang magiging P15 naman ang minimum sa modern jeep, mula sa kasalukuyang P14.
Ayon sa mga transport group, inip na inip na sila sa napakabagal na proseso hinggil sa hirit nilang dagdag-pasahe lalo pa’t umabot na sa P17 ang itinaas ng presyo sa kada litro ng diesel.
Sa tuwing magkakaroon umano ng pagdinig ay palagi silang umaasa na mapagbibigyan na ang kanilang kahilingan hinggil sa P1 provisional fare increase ngunit palaging naaantala.
Sa isang banda ay nakabuti na rin ang pagkakaantala dahil nagkaroon ng pagkakataon ang mga transport group na makapagsumite ng supplemental petition upang maipatupad sa buong bansa ang dagdag-pasahe para lahat ay makinabang.
Sana, ngayong araw ay magkaroon na ng resulta ang isasagawang pagdinig dahil panahon na para unahin naman natin ang kapakanan ng mga tsuper ng tradisyunal na jeepney na mas mataas pa rin ang porsyento na nasa mahirap na kalagayan.
Hilong talilong na ang sektor ng pampublikong transportasyon sa sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng gasolina at krudo — na kung umaaray na ang mga may-ari ng mga pribadong sasakyan na mas may kakayahang gumasta ay mas lalo na ang mga tsuper na sa pamamasada lamang umaasa.
Matatandaan na unang inanunsyo ng transport group na Pasang Masda ang hirit na P1 provisional increase sa LTFRB noon pang nakaraang Agosto 19 ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari pero sunud-sunod pa rin ang pagtaas ng produktong petrolyo.
Noong nakaraang Agosto 11 ay nagpadala rin ng liham ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop and Go Transport Coalition, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines sa LTFRB at humihingi naman ng P2 dagdag-pasahe para sa unang apat na kilometro.
Iisa ang hinaing ng mga transport group bagama’t hindi sila magkakasabay ng apela ngunit nagkakaisa silang dapat na talagang itaas ang pamasahe sa buong bansa dahil sa hindi na mapigilang oil price hike.
Samantala, nanawagan ang Manibela at PISTON sa pamahalaan na ibasura na ang fuel excise tax at ang Downstream Oil Industry Deregulation Act.
Lumalabas kasi na halos P250 kada araw ang nawawalang kita ng mga namamasadang tsuper dahil mataas ang presyo ng petrolyo, kung kumukonsumo ng 30 litro kada araw sa loob ng 25 araw ay halos 7,000 pesos umano ang nawawala sa kanilang kita sa loob ng 25 araw.
Noong unang pagdinig ay hindi inaprubahan ng LTFRB ang kahilingang P1 ‘surge fee’ ng ilang transport group dahil sa masyado umanong malaki at masakit sa bulsa ng mga mananakay at sa halip ay isinulong ang fuel subsidy.
Marami naman ang nakinabang sa hakbanging ito ng pamahalaan ngunit hindi maiiwasan na may mga hindi inaabot ng fuel subsidy, lalo pa ang grupo ng mga tricycle driver sa iba’t ibang bahagi ng bansa na biktima rin ng walang habas na pagtaas ng gasolina.
Samantala, may mga nakaamba pang dagdag-bawas sa presyo ng gasolina, krudo at kerosene — magbabawas ng kaunti tapos tataas ng grabe kaya tama lang na unahin naman natin ang kapakanan ng ating mga namamasadang tsuper.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentários