ni Mai Ancheta @News | September 14, 2023
May nasisinag na pag-asa ang mga tsuper ng pampasaherong jeep sa kanilang hirit na taas-singil sa pasahe.
Ito ay matapos ipahiwatig ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III na posibleng pagbigyan ang kahilingan ng transport sector na dagdag-pasahe bago matapos ang taon.
Ayon sa opisyal, naging sunud-sunod ang oil hike sa loob ng 10 linggo na aniya ay hindi na ordinaryong kaganapan.
Batid aniya nito ang importansya para sa fare increase kaya binabalanse ng kanyang ahensya ang pangangailangan ng bansa upang hindi makompromiso ang ekonomiya at magtaasan ang lahat ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ni Guadiz na ikukonsidera nila ang taas-singil sa pamasahe kasabay ang paghingi ng sapat na panahon upang madetermina kung kailan dapat na ipatupad ang dagdag-singil sa pamasahe sa mga jeep.
Nakatakdang dinggin sa September 26 ng LTFRB Board ang petisyon para sa pisong provisional fare hike, gayundin ang hiwalay na petisyon ng iba pang transport group para sa P2 base fare.
"We will consider the fare hike. However, give us a little time to determine how much and when will be the appropriate time to impose the fare hike," ani Guadiz.
Comments