ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 25, 2022
Sandamakmak ang mga pagsubok na dinaranas ngayon ng ating OFWs. At ilan dito ay ‘yung sigalot ng Russia at Ukraine at ang sinasabing mga nagka-COVID-19 na OFWs sa Hong Kong na tinerminate ng employer ang kanilang mga kontrata.
Nakaabot nga ang balita sa ating tanggapan na walang matuluyan ang mga may COVID-19 na OFWs dahil pinaalis sila ng kanilang employer. Pero, sabi ay fake news na pagala-gala na lang sila sa mga parke at plaza sa Hong Kong? Ano ba talaga?
Ayon naman sa DOLE, OWWA, POEA, OWWA, nasa proseso na ang pagtulong sa mga nagka-COVID-19 na OFWs sa Hong Kong. Mula sa pagpapalikas sa kanila, tulong-pinansiyal at posibleng pagpapadala ng medical team ng ‘Pinas sa HK. Naku, bakit pa pinag-aaralan, dapat gora na ASAP!
Pansin lang natin, mula nang maging senadora ang inyong lingkod, madalas na nakararating sa ating tanggapan ang hinaing na atrasado ang kilos at tulong ng ating mga opisyal ng gobyerno sa iba’t ibang kinahaharap na krisis ng ating OFWs abroad.
Hay, wala pa kasi tayong Department of OFWs na tututok d’yan dahil pinoproseso pa at wala pang sapat na datung!
Sa harap ng mga nare-recycle na problema ng OFWs sa abroad, nakikita nating IMEEsolusyon ang paglalatag ng listahan ng mga posibleng krisis o problemang kanilang kaharapin, kaakibat ang mga kaukulang hakbang o solusyon na puwede nilang gawin.
Tulad ng problema at solusyon sa diskriminasyon, hindi nasuwelduhan, hinarass o minaltrato ng amo, etsetera-etsetera.
Kabilang sa mga puwede ilatag na solusyon ang pagbibigay sa OFWs ng mga listahan o pangalan ng mga opisyal ng gobyerno na agad nilang mahihingan ng mga tulong at paglalatag ng mga lugar na kanilang tatakbuhan o pagkakanlungan sa oras ng peligro.
Dapat din magkaroon ng ‘OFWs Hotline’ sa bawat embahada ng Pilipinas abroad na 24/7 na may sumasagot at hindi answering machine lang. Dapat obligahin ang OFWs na kabisaduhin ito o mailista bago pa sila ma-deploy sa kani-kanilang amo.
Dapat ding maglagay ng opisyal na ‘OFW Website o FB page’ sa bawat bansa kung saan 24/7 na makokontak at madali nilang mahihingan ng tulong ang mga opisyal ng embassy o konsulada.
Dapat ding mailagay dito ang contact number na madaling matatawagan ang mga opisyal o tauhan ng OWWA, POEA at DOLE.
Darami pa ang mga krisis sa abroad at uulan pa rin ang problema ng mga OFW. Ang tanong, palagi na lang ba tayong magkukumahog kung kailan nasa peligro na talaga ang buhay nila?
Pero kung gagawing mala-girl scout at boy scout ang OFWs at 24/7 alerto ang ating mga opisyal ng gobyerno na may maayos na koordinasyon sa iba’t ibang bansang may migrante at manggagawang Pinoy, madaling lapitan at madaling makontak, kahit ano pang bagyo ang harapin ng mga Pilipino sa abroad, malulusutan nila. Agree?
Comments