ni Lolet Abania | September 25, 2021
Umabot na sa daang libo ng standardized COVID-19 vaccination certificates ang inisyu sa mga indibidwal mula nang umpisahan ang VaxCertPH nitong buwan, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa Laging Handa briefing ngayong Sabado, sinabi ni DICT Undersecretary Emmanuel Caintic na ang VaxCertPH ay portal para sa pag-iisyu ng vaccination certificates sa mga fully vaccinated o bakunado nang indibidwal, kung saan ginanap ang soft launching nito sa Metro Manila at Baguio noong Setyembre 6 habang aniya, “So far… issued 138,000 vaccination certificates out of 225,000 requests.”
“Nationwide statistics ito dahil kahit nag-soft launch na tayo sa NCR at Baguio, pinrioritize natin mga OFWs (overseas Filipino workers) at international travelers,” sabi ni Caintic.
Ayon pa sa DICT official, kapag ang lahat ng local government units (LGUs) ay handa na sa kanilang ilalagay na mga booths para matulungan ang kanilang mga kababayan na walang internet access, doon magiging online nationwide ang VaxCertPH.
Nilinaw naman ni Caintic na ang VaxCertPH ay accessible na sa buong bansa subalit sa ngayon prayoridad pa lamang ng gobyerno ang mga request ng mga OFWs at international travelers.
Ang VaxCertPH ay idinebelop ng DICT at ng Department of Health, kung saan nakabase ito sa mga data na isinumite ng LGUs sa pamamagitan ng Vaccine Information Management System.
Comentários