top of page
Search

OFW, para sa kaligtasan, ipagbawal muna sa Kuwait

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 20, 2025



Boses by Ryan Sison

Dahil sa hindi magandang mga kaganapan sa ating mga kababayang nagtatrabaho abroad, dapat sigurong hindi muna payagan at ipagbawal ng pamahalaan ang pagpapadala sa kanila roon. 


Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), pinag-aaralan na nila kung magpapatupad ng panibagong deployment ban sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.


Ito ay kasunod ng napaulat na pagkamatay sa Kuwait ng dalawang Pinoy workers na sina Jenny Alvarado at Dafnie Nacalaban.


Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na naipabatid na niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sinapit ng dalawang naturang OFW.


Ipinaliwanag niya na sakali mang lumabas na sa kanilang pagsusuri ay makakatulong para isuspinde ang deployment ng mga OFW sa Kuwait, agad nila itong gagawin.


Gayundin aniya, kinokonsidera ng kagawaran ang pagpapatupad ng mas mahigpit na mga polisiya at requirements para sa deployment ng mga Pinoy worker sa nasabing bansa.


Ipinahayag pa ni Cacdac na sa ngayon ay ipinagbabawal ng gobyerno ang pagpapadala ng mga first-timer na domestic workers sa Kuwait.  


Marahil, mas makabubuti sa ating mga kababayang OFWs na huwag na munang ipadala sila sa naturang bansa lalo na iyong mga domestic helper o kasambahay.


Ito ay para na rin sa kanilang kaligtasan dahil batid naman nating lahat ang nangyari sa brutal na pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara ng anak ng kanyang among Kuwaiti. Bukod pa sa pagkasawi nito lamang dalawang Pinoy workers na mula rin sa bansang Kuwait. 


Kung hindi kasi natin gagawing i-ban muna ang deployment nila sa naturang bansa ay posibleng maulit ang katulad na mga insidente, kung saan iuuwi na lamang ang ating mga kababayang OFWs sa kanilang pamilya na malamig na bangkay.


Marami pa namang ibang bansa na maaaring puntahan at makapagtrabaho roon ang mga OFWs na talagang kailangan ng kanilang serbisyo at may maayos din na patakaran para sa kanila.


Lagi sana nating alalahanin ang kapakanan at kalagayan ng ating mga kababayang OFWs na sadyang may malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page