top of page
Search
BULGAR

OFW man o hindi… Mga manggagawang Pinoy, dapat may sapat na proteksyon

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo |Pebrero 3, 2023



Dahil sa sinapit ng ating kababayang si Jullebee Ranara sa Kuwait, naging maigting ang ating panawagan sa pamahalaan na mas protektahan ang ating mga overseas Filipino workers, saanmang panig ng mundo sila nagtatrabaho.


Umapela rin tayo sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), National Bureau of Investigation (NBI) at mga kinauukulang ahensya na tutukan ang kaso ni Jullebee. Ito ang dahilan kaya isinulong natin na magkaroon ng DMW para may ahensyang tututok sa mga ganitong kaso. Malaki ang tiwala ko sa mga ahensyang ito para makamit ng pamilya ni Jullebee ang katarungan.


Sa ating gawain sa Senado, tulad ng pangangalaga sa ating OFWs, layunin ko ring protektahan ang mga manggagawa rito sa ating bansa dahil napakahalaga ng papel nila sa ating economic recovery. Nagsumite ako ng mga bagong panukalang-batas sa hangaring mas maitaguyod ang kanilang mga karapatan sakaling maisabatas ang mga ito.


Isa rito ang Senate Bill No. 1705 na isinumite ko noong January 19. Layunin nito na madagdagan ang service incentive leave (SIL) ng mga manggagawa sa private sector.


Aamyendahan ng SBN 1705 ang Article 95 ng Labor Code of the Philippines, at aatasan ang mga employers na bigyan ang kanilang mga empleyado ng taunang SIL na sampung araw na may bayad. Ang karagdagang incentive leave na ito ay bilang pagkilala sa mahalagang papel at sakripisyo ng mga empleyado para sa ikauunlad ng ekonomiya ng ating bansa.


Isinumite ko rin ang SBN 1707 na layunin namang itaguyod ang kapakanan ng ating mga social workers. Kung maisasabatas, ginagarantiyahan ng panukalang ito ang pagbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga social worker mula sa diskriminasyon, pananakot, panliligalig o pagpaparusa, at marami pang iba. Pangangalagaan din ng SBN 1707 ang kanilang karapatang sumali o tumulong sa mga organisasyon o unyon nang naaayon sa batas. Nakasaad sa panukala na ang minimum base pay ng Social Welfare Officer I sa gobyerno ay hindi dapat bababa sa Salary Grade 13.


Malaking bagay ang mga karagdagang benepisyong ito sa ating mga manggagawa, lalo na’t malaki rin ang naging epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan at sa kabuhayan ng marami pa nating mga kababayan. Ipaglalaban natin ito at hihingin ang suporta ng aking mga kapwa mambabatas at iba pang stakeholders para maging ganap na batas.


Sa Senate hearing ng Sub-Committee on Health and Demography kaugnay ng Universal Health Care law amendments noong Pebrero 1, bilang Chair ng komite, sinegundahan natin ang pagpapanatili sa suspensyon ng pagtaas ng PhilHealth contribution. Hinikayat natin ang mga kapwa natin mambabatas na pakinggan ang hinaing ng mga Pilipino na hanggang ngayon ay hirap pa rin na makabangon mula sa epekto ng pandemya.


Nagpahayag naman ako ng suporta na mapag-aralan ang gagawing amyenda sa batas upang mabalanse ang magiging epekto nito sa pondong pangkalusugan at sa mga umaasa mula rito. Hinimok din natin ang mga opisyal ng PhilHealth na i-expand ang free dialysis coverage, pag-implementa ng outpatient benefit package gaya ng free medical check-up, at pagtaas ng iba pang benepisyong puwedeng makuha ng mga pasyente.


Bilang pagsuporta sa mga adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sinuportahan ko naman ang ad interim appointment ni Secretary Alfredo Pascual bilang kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI).


Naniniwala ako na malaki ang magiging ambag ni Sec. Pascual sa paglago ng ating ekonomiya. Umapela rin ako sa kanya na ipagpatuloy at palakasin pa ang mga nasimulang programa ng Duterte administration, at mas marami pang matulungan sa ating mga kababayan, lalo na ang maliliit na negosyante at mahihirap.


Samantala, hindi natin kinaliligtaan ang ating patuloy na paghahatid ng serbisyo at tulong sa ating mga kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Ngayong araw, bibisitahin natin ang mga nasunugan sa Navotas City, at sa Valenzuela City para mamahagi ng ayuda. Noong Martes ay maagap tayong nagkaloob ng tulong sa 478 residente ng Bgy. 387, Quiapo, Maynila na nasunugan din.


Bumisita naman ang aking relief team sa iba’t ibang lugar sa bansa para alalayan at bigyan ng tulong ang mga biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 300 residente mula sa tatlong barangay sa Molo District, Iloilo City; 116 mula sa dalawang barangay sa Lahug, Cebu City; 197 mula sa dalawang barangay sa Lapu-Lapu City. Sa Saranggani, Davao Occidental, naabutan ng tulong ang 300 benepisaryo na bahagi ng iba’t ibang sektor.


Masaya ko namang ibinabalita na noong Pebrero 2 ay nagkaroon na ng groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Sarangani, Davao Occidental. Nag-turn over din du’n ng sea ambulance, na aking sinuportahang mapondohan.


Bumiyahe rin tayo kahapon, February 2, sa imbitasyon ng mga lokal na opisyal ng Bataan para saksihan ang ceremonial turnover ng NHA housing units sa Bgy. Daan Pare sa bayan ng Orion. Ilan sa mga benepisaryo ng pabahay na ito ay mga biktima ng sunog na nauna nang natulungan ng aking opisina noong taong 2019. Binalikan natin sila ngayon upang kamustahin at nakakatuwa naman na ang ilan sa kanila ay may sarili at maayos na tirahan na.


Matapos ang programa ay pinangunahan natin ang pagkakaloob ng ayuda sa mahihirap na residente. Bukod dito, sinaksihan din natin ang groundbreaking ng sports facility sa Villa Leonor, Bgy. Bo. Luz sa Limay. Nagsagawa rin tayo ng inspeksyon sa itinatayong evacuation center na nasa National Road, Barangay Townsite, inspeksyon sa itinayong barangay hall sa Bgy. Wawa, at nagkaloob ng tulong sa 500 residente. Nag-inspeksyon din tayo sa Limay View Deck sa Sitio Anahao, Brgy. Reformista. Ang mga nasabing pasilidad ay pawang nasa bayan ng Limay.


Imbitado rin tayo sa ribbon cutting ng itatayong Super Health Center sa Mariveles naman, at pagkatapos ng programa ay naghandog tayo ng tulong sa 500 mahihirap na residente. Pinasasalamatan natin ang mga lokal na opisyal na katuwang natin at napakalaki ng papel na ginagampanan sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan.


Ginagawa natin ang ating makakaya na maging instrumento at makatulong sa pagpapatayo ng mga ganitong imprastruktura na mapapakinabangan ng ating mga kababayan, partikular sa aspeto ng kanilang kalusugan, at kapag may mga sakuna at kalamidad.


Marami pa tayong adhikain at pangarap para sa lahat ng Pilipino. Hindi tayo mapapagod na maisakatuparan ang mga ‘yun sa aking kapasidad bilang senador at lingkod-bayan.


Masayang makita na nasusuklian ang tiwalang ipinagkaloob n’yo sa akin na maglingkod sa bayan. Hindi ko sasayangin ang oportunidad na ito na makatulong sa abot ng aking makakaya upang mabigyan kayo ng mas ligtas at komportableng buhay.



 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page