ni Lolet Abania | July 26, 2021
Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Lunes ang isang kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa lungsod na isang returning overseas Filipino worker.
Ayon sa Quezon City government, ang 34-anyos na lalaki mula sa Saudi Arabia na dumating sa bansa noong Hunyo 24 at nanatili sa isang hotel sa Makati City nang 10-araw para sa kanyang mandatory quarantine bago nai-transfer sa isang hotel sa Manila mula Hulyo 4 hanggang 11 ay nagpositibo sa Delta variant.
Sa isang pahayag ng lokal na pamahalaan, ang nasabing pasyente na nakarekober na noong Hulyo 11 ay symptomatic. “He experienced a slightly itchy throat on June 28 and was swabbed on June 30. He was considered recovered and was allowed to go home to his family on July 11,” batay sa statement ng Quezon City.
Gayunman, ang kanyang sequenced sample ay naipaalam lamang sa Epidemiology and Surveillance Disease Unit (CESU) ng Quezon City nu'ng Linggo nang gabi, kung saan agad na sumailalim sa swab test ang pasyente at kanyang pamilya ngayong Lunes. Isinailalim na rin ang pasyente at ang kanyang pamilya sa mahigpit na home quarantine para maiwasan ang tinatawag na chain of transmission.
“He will undergo another swab test, along with his family, as part of our protocol even if he is considered a recovered patient. We are doing extensive contact tracing on his close contacts just to make sure,” ani CESU head Dr. Rolly Cruz.
Tiniyak naman ni Mayor Joy Belmonte sa mga residente na nakapaghanda ang lokal na pamahalaan ng extensive measures upang maiwasan ang pagtaas ng COVID-19. “What is important is that we are intensifying testing and aggressive contact tracing,” ani Belmonte.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang Quezon City government sa isa pang local government unit (LGU) matapos na isang construction worker ang magpositibo rin sa Delta variant. Sa ulat, naninirahan ang pasyente sa ibang siyudad subalit nagtatrabaho sa isang factory sa Quezon City na tinamaan ng mas nakahahawang Delta variant.
Gayundin, ang buntis na asawa ng construction worker ay na-diagnose ng pagkakaroon ng severe respiratory ailment. “CESU has been conducting contact tracing and swabbing at his place of work since Saturday. There are no reported cases yet at his place of work but we are doing this as a preventive measure to make sure we contain any possible transmission early,” ani Cruz.
Sinabi pa ng QC government na ang construction worker ay nakaranas ng mahirap na paghinga, sipon, lagnat at sore throat noong Hulyo 4, habang kinabukasan ay nagpositibo ito.
Agad na na-admit ang pasyente sa Philippine General Hospital at na-discharge naman noong Hulyo 18. Ang kanyang asawa, kahit na walang naging sintomas, ay nagpositibo sa test noong Hulyo 8 at positibo uli noong Hulyo 17. Ang mag-asawa ay nananatili sa isang quarantine facility sa ibang siyudad hanggang sa katapusan ng Hulyo.
Comments