ni Jasmin Joy Evangelista | March 14, 2022
Niyanig ng magnitude 6.4 na lindol ang mga parte ng Occidental Mindoro nitong Lunes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Naganap ang pagyanig bandang 5:05 a.m. na ang epicenter sa kahabaan ng Manila Trench ay nasa 14.05°N, 119.12°E - 110 km N 79° W ng Lubang.
Naitala ang lindol na tectonic in origin at may lalim na 29 kilometers.
Ayon sa PHIVOLCS, naramdaman ang Intensity III sa Quezon City, Taguig City, Mandaluyong City, at Makati City habang Intensity II sa Talisay, Batangas.
Nasa 10 aftershocks ang naitala simula 6 a.m. Mayroon ding minor damages na nai-report sa Lubang, Occidental Mindoro matapos ang lindol, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).
Sa isang panayam, sinabi ni Lubang MDDRMO Jeremy Villas na kasalukuyan pang ina-assess ng barangay officials ang mga damage sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
Sa Barangay Vigo, sinabi ni Villas na tatlong bahay ang nagtamo ng pinsala tulad ng pagkasira ng tiles at crack sa mga biga.
“Meron silang dalawang bahay na naturo sa amin na merong minor damage. Yung granite tiles umangat, anim na piraso siguro yun. Tapos yung wall, 'yung partition medyo umangat,” aniya.
Comments