ni Lolet Abania | February 21, 2022
Niyanig ng magnitude 5.3 na lindol ang Occidental Mindoro ngayong Lunes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa ulat ng PHIVOLCS, tectonic ang lindol na naitala ng alas-3:22 ngayong hapon. Ang epicenter nito ay nasa layong 13.58°N, 120.68°E - 016 km N 18° W ng Abra De Ilog at may depth of focus o lalim na nasa 106 kilometers.
Naramdaman ang Intensity III sa Puerto Galera, Oriental Mindoro, habang Intensity II naman sa Quezon City.
Naitala ang Instrumental Intensities na naramdaman sa mga sumusunod na lugar:
• Intensity III - Calapan City; Puerto Galera, Oriental Mindoro
• Intensity II - Batangas City; San Jose, Occidental Mindoro; Tagaytay City; Magalang, Pampanga
• Intensity I - Muntinlupa City; Carmona, Cavite
Wala namang naitalang napinsala matapos ang lindol subalit ayon sa PHIVOLCS, asahan na ang posibleng mga aftershocks.
Comments